MANILA, Philippines — Tinitignan pa ngayon ng Department of Health (DOH) at Malacañang ang posibilidad ng pagpapanatili ng Metro Manila at iba pang high-risk provinces sa general community quarantine hanggang Disyembre kasunod ng ilang mungkahi ng mga eksperto sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Inirerekomenda kasi ito ngayon ni Dr. Rontgene Solante, miyembro ng Vaccine Expert Panel ng gobyerno, lalo na't Disyembre pa makakamit ang "population protection" sa NCR Plus Bubble oras na 40% na ng populasyon ang nababakunahan laban sa COVID-19.
Related Stories
"Pag-uusapan 'yan ano. We have parameters that we use," paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang media forum, Lunes.
"Hindi ko po masabi ngayon kung hanggang December ay dapat naka-GCQ tayo, dahil marami pong implikasyon ito pong mga community quarantine level classifications na ito."
Pagtatakda ng thresholds
Sa ilalim ng GCQ, marami pa ring paghihigpit para maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na COVID-19, gaya na lang ng pagsusuot ng face masks, face shields, limitasyon sa mga pagtitipon at mga establisyamentong pwedeng mag-operate.
Pinag-uusapan na rin daw ngayon ng DOH kasama ang economic cluster kung paano magta-transition sa mga community quarantine classifications.
Sa ilalim nito, magtatakda na ng ilang "thresholds" para malaman kung kailan dapat itaas restrictions o kung kailan dapat local government units na lang ang magsasabi ng risk classifications. "Para ho hindi na buong region o probinsya ang naisasara because of these different [COVID-19] trends in the number of cases," patuloy ng DOH official.
"Kailangan ho nating ibase sa science pa rin at sa ebidensya kapag tayo ay nagdedesisyon kung tayo ay magkakaroon ng community quarantine classification level."
Sa ngayon, tanging 3.52 milyon pa lang ang nakakukuha ng kumpletong bakuna laban sa COVID-19 sa Pilipinas magmula sa 13.19 milyong doses na naituturok.
Una nang sinabi ni Dr. Ted Herbosa, adviser ng National Task Force on COVID-19, na dapat munang mabakunahan ang nasa 50% ng target population (40-50 milyon) bago tanggalin ang face mask at face shield requirement sa bansa.
Palasyo: Wala tayong 'bolang kristal' sa lagay sa Disyembre
Bagama't pinakikinggan ng gobyerno ang mga mungkahi ni Solante, minabuti muna ni presidential spokesperson Harry Roque na 'wag munang magsalita kung pabor ba si Pangulong Rodrigo Duterte sa mungkahi.
"Depende pa rin po 'yan sa ating criteria. Titignan pa rin natin ang daily attack rate at 2-week daily average attack rate at ang critical care capacity," ani Roque kanina.
"Wala pong crystal ball na makapagsasabi sa atin kung anong magiging kalagayan ng Metro Manila pagdating ng Disyembre kasi dahil hindi rin po natin masisigurado na hindi po makakapasok ang Delta variant at ang Lambda variant sa ating bayan."
Pare-pareho nang nakapasok ng Pilipinas ang mas nakahahawang Alpha, Beta at Gamma variants ng COVID-19. Bagama't meron nang mga Pilipinong tinamaan ng Delta variant, na isa sa pinakanakahahawang variants of concern sa mundo, nakuha nila ito noong sila'y nasa ibang bansa pa.
Mayo 2021 lang nang sabihin ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na plano ng gobyerno makapagbakuna ng nasa 25 milyong Pilipino bago dumating ang Pasko, bilang bahagi na rin ng pag-abot ng "better Christmas."
Ipinagmamalaki ngayon ng Palasyo na kayang maabot ng Pilipinas ang "no-mask Christmas" basta't maatim ang population protection sa takdang panahon.
Sa huling ulat ng DOH kanina, umabot na sa 1.47 milyon ang tinatamaan ng COVID-19. Sa bilang na 'yan, 26,015 na ang patay.