MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 5,204 bagong infection ng coronavirus disease, Lunes, kung kaya nasa 1,478,061 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- lahat ng kaso: 1,478,061
- nagpapagaling pa: 29,128, o 3.3% ng total infections
- bagong recover: 5,811, dahilan para maging 1,402,918 na lahat ng gumagaling
- kamamatay lang: 100, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 26,015
43% payag magpabakuna; GCQ hanggang Disyembre?
-
Apat na buwan mula nang simulan ang COVID-19 vaccinations sa Pilipinas noong Marso, lumalabas na 43% pa lang ng mga Pilipino ang payag magpabakuna laban sa nakamamatay na virus, ayon sa bagong survey ng Pulse Asia. Gayunpaman, mas mataas 'yan kumpara sa 16% na naitala ng February 2021 survey ng parehong grupo.
-
Nasa 12 duplicates naman ang tinanggal sa COVID-19 case count ngayon ng DOH. Lumalabas ding siyam sa kanila ang magaling na talaga sa ngayon.
-
Dineactivate din ang nasa 156 cases matapos tawaging duplicates ng kanilang mga RESU/CESUs. Mula riyan, 150 ang recoveries at anim ang namatay na.
-
Pinag-aaralan pa naman sa ngayon ng DOH at Malacañang ang naunang rekomendasyon ni Dr. Rontgene Solante ng Vaccine Expert Panel kung pananatilihin sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at iba pang high-risk provinces hanggang Disyembre, kung saan inaasahang 40% na ng populasyon ang nabakunahan.
-
Itinatanggi pa rin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na meron nang taong tinatamaan ng dalawang magkaibang COVID-19 variants sa Pilipinas. Ito'y matapos mamatay ng 90-anyos na babae Belgium, na hindi pa nababakunahan. Sinasabing dalawang magkaibang variants ang umapekto sa kanya nang sabay.
-
Umabot na sa 185.29 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang 4.01 milyong katao.
— James Relativo