16 milyong bakuna darating ngayong Hulyo

MANILA, Philippines — May 16 milyong dose ng COVID-19 vaccine ang matatanggap ng Pilipinas ngayong buwan, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Habang sa Agosto naman makakatanggap ang bansa ng 14 milyong dose ng bakuna.
Sa Hulyo 14, mas marami pang doses ng Sinovac ang darating na gagamitin sa mga priority areas kabilang dito ang NCR+8 areas, na kinabibilangan ng Metro Manila, Pampanga, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Metro Cebu, at Metro Davao.
Kasama rin sa listahan ng priority areas ang mga lungsod ng Bacolod, Iloilo, Cagayan De Oro, Baguio, Zamboanga, Dumaguete, Tuguegarao, General Santos, Naga, at Legazpi.
Na-ideploy na rin ng pamahalaan sa NCR+8 areas ang may 1.1 milyong doses ng AstraZeneca na idinonate ng Japanese government.
Samantala, sa 2.028 milyong AstraZeneca na mula sa COVAX facility, nasa 1.5 milyon ang ginamit para sa second dose at ang 500,000 ay gagamitin para sa first dose.
Base sa datos nito lamang Hulyo 9, mayroong 20,607,570 dose na ng bakuna ang bansa.
Sa tingin naman ni Nograles, sa National Capital Region (NCR) lamang na mayroong maliliit na lugar tulad ng San Juan ay baka nasa 70% na ang naabot ng gobyerno. — Danilo Garcia
- Latest