Tulong sa mga sibilyang nadamay sa pagbagsak ng C-130 tiniyak ng PAF

Nabatid na personal na pinuntahan at pinasalamatan ni PAF Wing Commander, Tactical Operations Wing Western Mindanao na si Colonel Dennis Estrella ang mga sugatang sibilyan sa ospital na ngayon ay nasa recovery stage na.
Handout / Joint Task Force-Sulu / AFP

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine Air Force (PAF) ang tulong para sa mga sibilyan na nadamay sa pagbagsak ng C-130 aircraft kabilang ang isang 13-anyos na lalaki, isang buntis at dalawang sibilyan na kasalukuyang ginagamot sa hospital.

Nabatid na personal na pinuntahan at pinasalamatan ni PAF Wing Commander, Tactical Operations Wing Western Mindanao na si Colonel Dennis Estrella ang mga sugatang sibilyan sa ospital na ngayon  ay nasa recovery stage na.

Binisita rin ni Estrella ang mga sibilyan na unang rumesponde sa pagbagsak ng C-130 aircraft sa Patikul, Sulu upang bigyang pagkilala ang kabayanihan sa pagtulong na mailigtas ang mga sundalo na naipit sa gitna ng aksidente.

Aniya, ito ay bahagi ng pagpapaabot ng taos-pusong pasasalamat ni Phl Air Force Chief, Lieutenant General Allen Paredes sa mga residente at sibilyan na nagpakita ng malasakit at tapang upang tulungan at sagipin ang mga sundalo.

Samantala,  sinabi pa ni  Estrella na isasailalim nila sa ‘Search and Rescue’ training ang mga sibilyan na agad rumesponde sa insidente upang mabigyan ng pormal na kaalaman at  makatulong pa ang mga ito sa kanilang komunidad.

 

Show comments