COVID-19 vaccination sa 90% ng senior citizens target tapusin ng Hulyo
MANILA, Philippines — Plano ng Department of Health (DOH) na pasipain pataas ng 90% ang bilang ng mga senior na natuturukan ng COVID-19 vaccines, lalo na't mababa pa ang bilang nila kahit na isa sa pinakabulnerable sa sakit.
Target nila makamit ang nasabing porsyento bago magtapos ng Hulyo. Ito'y kahit 861,560 pa lang ang fully vaccinated sa kanila ngayon sa Pilipinas — bagay na 10.41% lang ng 8.27 milyong target population nito.
"['Yung] ating senior citizens, we would like to emphasize because these are the most at risk, most vulnerable," ani Health Undersecretary Myrna Cabotaje, Biyernes.
"Kapag hindi natin nabigyan [ng bakuna] ang ating A2 [priority], sila ang magkakasakit, sila ang maho-hospitalize, silas ang mamatay."
Ang naturang kampanya ay bahagi ng "focus and expand strategy" ng DOH, na planong pagtuunan ng malaking pansin ang pagbabakuna sa:
- health workers (A1)
- seniors (A2)
- may comorbidities (A3)
- mga nakatira sa NCR +8 areas
Plano naman ang expansion ng COVID-19 vaccinations ngayon sa mga +10 areas, dalawang "model cities" kada rehiyon, etc.
Huwebes lang nang sabihin ni Dr. Ted Herbosa, adviser ng National Task Force on COVID-19, na 29% pa lang ng senior citizens ang nakakukuha ng first dose ng COVID-19 vaccines.
Una nang sinabi ng World Health Organization na mas delikado ang mga nakatatanda sa mas matinding komplikasyon at pagkamatay sa COVID-19.
Paano makakamit senior citizen targets?
Nagtala naman si Cabotaje ng iba't ibang estratehiya kung paano mapapabilis ang COVID-19 vaccinations sa nasabing sektor — ang iba, isinasagawa na sa ngayon.
"'Yung iba nahihirapan sa technology, 'yung pag-register [online]. We have advised na kapag baranggay, they try to look, encourage and schedule the vaccination of the senior citizen," dagdag ng opisyal ng DOH.
"In many areas nga, hidni ka na kailangang pumila kapag senior citizen ka. Basta pumunta ka lang ng vaccination center."
Nariyan din ang:
- priority lanes para sa seniorssa vaccination sites
- house-to-house vaccinations (para sa bed-ridden, hirap maglakad)
- town hall discussions
- pagsasabay sa ibang sektor gaya ng A4 at A5
Ginagamit din ngayong insentibo ang pagpayag na lumabas-labas ng bahay ang senior citizens basta't sila'y fully vaccinated na at nasa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ areas.
Una nang sinabi ni Herbosa na may ilang seniors na ayaw magpabakuna sa ngayon dahil gusto na lang ilaan para sa mga mas nakababata sa kanila ngayon.
Sa huling taya ng DOH kahapon, umabot na sa 1.45 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, patay na ang 25,650.
- Latest
- Trending