47-M pang fully vaccinated kailangan bago bawiin face mask requirement — opisyal

Vendors, delivery drivers and others who work at the night market in Divisoria, Manila wait for their turn to be inoculated with the COVID-19 vaccine on July 5, 2021 as the local government starts their night vaccination program which will cater to individuals who cannot go to inoculation sites during daytime.
The STAR/Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Malayo-layo pa ang tatahakin ng Pilipinas bago tanggalin ang pag-oobliga ng face masks sa publiko sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa Laging Handa briefing ng PTV, Huwebes, sinabi ni Dr. Ted Herbosa, adviser ng National Task Force on COVID-19 na kakaonti pa lang ang kumpleto ang bakuna sa Pilipinas para tanggalin ang mga quarantine protocols.

"3 million Filipinos na po ang fully-protected at nagkaroon ng two doses. Mababa pa rin po 'yan, that's only 4%... from our target 70 million," ani Herbosa kanina.

"Ang advise na tanggalin natin 'yung mask at face shield ay umabot tayo ng 50% ng target population. So mga 50 million. Between 40-50 million. Nasa 3 million pa lang tayo roon. So siguro magtiis muna tayo, magsuot po tayo ng mask at face shield."

Abril 2020 nang i-require ng gobyerno ang pagsusuot ng face masks para mabawasan ang pagpapasa-pasahan ng nakamamatay na COVID-19 sa Pilipinas.

Kaugnay niyan, inire-require din ang pagsusuot ng face shields sa mga pampublikong lugar sa ibabaw ng face mask, ngunit hindi na ito obligado kapag outdoors.

Updates sa vaccination efforts

Kung titignan ang ulat ni presidential spokesperson Harry Roque kanina sa media briefing ng Palasyo, lumalabas na ito pa lang ang itinatakbo ng vaccination program ng Pilipinas:

  • first dose (9.39 million)
  • second dose (3.08 million)
  • kabuuang bilang ng doses na itinurok (12.48 milyon)

"Conservative number pa po ito at inaasahan nating tataas pa ang bilang kapag dumating na ang mga numero sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor," ani Roque sa isang pahayag.

Target ngayon ng pamahalaan na maabot ang "population protection" laban sa COVID-19 bago magtapos ang 2021, bagay na maaabot sa pamamagitan ng pagbabakuna. Ibinaba nila ito mula sa unang target na herd immunity ngayong taon sa Metro Manila at ilan pang rehiyon sa bansa.

Senior citizens mababa ang nagpapaturok

Hinihikayat naman ni Herbosa ngayon ang mga senior citizens na magpabakuna laban sa COVID-19, lalo na't sila ang pinakadelikado pagdating sa malubhang sintomas at pagkamatay  dito.

Lumalabas kasi na wala pang 10% sa mga 60-anyos pataas na nagpapaturok laban sa COVID-19 apat na buwan matapos magsimula ang immunization program, kahit na isa sila sa pinakaprayoridad ng gobyerno.

"We have a target of about 9.8 million senior citizens. Pero ang nabakunahan pa lang... at least first dose, naka-29% na tayo. Pero 'yung full dose, medyo mababa pa," dagdag ng doktor.

"Kaya po tayo A2 [priority] a mga seniors, ay mataas po ang mortality [rate] kapag nagka-COVID. Kayo po ang talagang nangangailangan ng bakuna."

Aniya, mataas ang vaccine hesitancy sa mga nakatatanda at marami sa kanila ang nais na lang daw itong ilaan para sa mga mas nakababata.

Una nang pinayagan ng gobyerno ang paglabas-labas ng mga seniors mula sa bahay basta't sila'y kumpleto na ng dalawang dose ng bakuna.

Sa huling ulat ng Department of Health nitong Miyerkules, umabot na sa 1.45 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa bansa. Sa bilang na 'yan, patay na ang 2,459 katao.

Show comments