Bulkang Taal pumutok uli, nagpakawala ng 'phreatomagmatic burst'

Kuha ng phreatomagmatic burst na nangyari sa Main Crater ng Bulkang Taal, 6:47 a.m., Huwebes
Video grab mula sa Twitter account ng Phivolcs

MANILA, Philippines — Habang nagpapatuloy ang Alert Level 3 sa Bulkang Taal, siya ring pagpapatuloy ang pag-aalburoto nito ngayong araw sa pamamagitan ng isang "phreatomagmatic burst."

Bandang 6:47 a.m. nang lumikha ng madilim na usok ang naturang burst 200 metro pataas mula sa bunganga ng bulkan, ayon sa ulat ng Phivolcs, Huwebes.

 

Bago ang bagong pagputok kanina, limang phreatomagmatic na pagputok ang naitala sa magmula kahapon — na nagbuga ng usok na umabot hanggang 700 metro.

Sa nakalipas na 24 oras, nai-record ang 60 volcanic earthquakes, kabilang ang:

  • explosion-type earthquakes (5)
  • low frequency volcanic earthquakes (24)
  • volcanic tremor (21) na tumagal ng dalawa  hanggang apat na minuto, 
  • hybrid earthquakes (10)
  • low-level background tremor na natapos kahapon ng 06:21 PM at muling nagpatuloy ng 09:52 PM

"Ibinuga ng Main Crater ang mataas na sukat ng volcanic sulfur dioxide gas at steam-rich plumes na may taas na isang libo at limang daang (1,500) metro bago napadpad patungong timog kanluran," dagdag ng state volcanologists.

"Ang pagbuga ng sulfur dioxide o SO2 ay humigit-kumulang 11,397 tonelada kada araw noong ika-07 ng Hulyo 2021."

Matatandaang libu-libo na ang inilikas mula sa probinsya ng Batangas at CALABARZON matapos ang mga pagputok, bilang pag-iingat.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw, patuloy pa rin ang validation ng bagong bilang ng evacuees sa ngayon. Gayunpaman, umabot na ito sa 6,585 ang apektado at 3,480 ang inilikas sa mga evacuation centers noong Lunes.

Inirerekomenda ngayon ng Phivolcs na ipagbawal ang sumusunod dahil sa mga pagputok:

  • pagpasok sa Taal Volcanbo Island at iba pang high-risk barangays ng Agoncillo at Laurel
  • pamamalagi at pagpalaot sa lawa ng Taal
  • Pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan

Pinapaalalahanan din ang lahat na maaaring maganap ang mga sumusunod anumang oras sa naturang lugar:

  • biglaang malalakas na pagsabog
  • pyroclastic density currents o base surge
  • volcanic tsunami 
  • ashfall
  • pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas 

Enero 2020 nang huling itaas sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal, kung saan umabot hanggang Metro Manila ang ashfall na mapanganib sa kalusugan. — James Relativo

Show comments