Palasyo: Pag-abswelto kay Revilla sa graft, walang dagok sa anti-corruption drive

Litrato nina presidential spokesperson Harry Roque (kaliwa) at Sen. Bong Revilla (kanan)
The STAR/KJ Rosales, File; The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Kung ang Malacañang ang tatanungin, wala raw masamang repleksyon sa kampanya ng gobyerno laban sa korapsyon ang pagpapawawalang-sala kay dating Sen. Bong Revilla kaugnay ng P10 bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Lunes nang iulat ang pag-abswelto ng Sandiganbayan kay Revilla sa 16 kaso ng graft kaugnay ng P10 bilyong "pork barrel scam" dahil sa "kakulangan ng ebidensya." Ibinasura ang mga reklamo sa kanya matapos pagbigyan ang hiling niyang demurrer to evidence. 

"Wala naman pong epekto [sa kampanya kontra katiwalian], at patuloy po ang pagtuligsa ng ating presidente sa mga kurakot sa gobyerno," wika ni presidential spokesperson Harry Roque, Martes sa isang press briefing.

"And the president has repeatedly said na dito sa natitirang isang taon sa kanyang termino, igugugol niya ito para labanan ang korapsyon."

Matatandaang inendorso ng Hugpong ng Pagbabago, na partido ni presidential daughter Davao City Mayor Sara Duterte, si Revilla sa pagkasenador noong 2019. Nanalo siya.

Una nang sinabi ni Sen. Manny Pacquiao na tatlong beses mas tiwali ang gobyerno ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte kumpara sa administrasyon ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.

Dahil diyan, hinahamon ni Duterte si Pacquiao na ilabas ang mga korapsyon sa kanyang pamahalaan dahil kung hindi, "mangangampanya raw siya laban sa kanya" sa darating na 2022 elections.

Nagbabangayan ngayon sina Pacquiao at Duterte kahit pareho silang PDP-Laban. Presidente ng partido si Pacquiao habang chairperson si Digong.

'Ganyan ang katarungan sa Pilipinas'

Wika pa ni Roque, na isa ring abogado, sadyang nabigo ang korte na patunayang may sala si Revilla, isang actor-turned-senator.

"[Revilla] was afforded his day in court, and the prosecution failed to prove his guilt beyond reasonable doubt. Ganyan po talaga ang sistema ng katarungan sa Pilipinas. Ang mga akusado po ay presumed innocent until proven otherwise," dagdag ng tagapagsalita ni Duterte.

Dahil sa kanyang pagkakaabswelto, ibinabasura na rin ang hold departure order laban sa kanya. 

Disyembre 2018 lang nang i-clear si Revilla para sa plunder dahil sa diumano'y pagbulsa ng P224.5 milyong kaban ng bayan kapalit ng pagbubuhos ng kanyang PDAF sa mga pekeng foundations na itinayo ni Janet Lim-Napoles — na mastermind diumano ng krimen.

Na-convict para sa plunder sina Napoles kasama ang aide ni Revilla na si Richard Cambe. Sa kabila niyan, idinismiss ang kaso ng huli matapos niyang mamatay sa Bilibid.

Bagama't ibinasura na ang kaso laban kay Revilla, dineny ang demurrer to evidence na inihain ni Napoles. Dahil diyan, haharap pa rin siya sa paglilitis. 

Matatandaang nakulong din kaugnay ng pork barrel scam sina dating Sen. Jinggoy Estrada at dating Sen. Juan Ponce Enrile.

Show comments