MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 6,192 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19), Biyernes, kung kaya nasa 1,424,518 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 1,424,518
- Nagpapagaling pa: 55,482, o 3.9% ng total infections
- Kagagaling lang: 2,212, dahilan para maging 1,344,063 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 177, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 24,973
Anong bago ngayong araw?
-
Ngayong araw naitala ang pinakamaraming bilang ng namatay sa COVID-19 iisang araw lang (177) sa sa Pilipinas sa nakalipas na 21 araw. Huling beses na mas maraming namatay noong ika-11 pa ng Hunyo.
-
Idiniin naman kanina ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na "hindi maparurusahan" ang mga healthcare workers na magkakamali sa kanilang pagturok ng COVID-19 vaccines. Gayunpaman, pwede na silang humarap sa mga penalty kapag mapatunayang sinasadya ito. Matatandaang isang volunteer nurse sa Makati City ang hindi naipasok ang naturang gamot sa katawan ng tumatanggap bagama't natusok ng karayom.
-
Sinimulan na ng MVP Group ang pagtuturok ng Moderna COVID-19 vaccines sa kanilang mga empleyado ngayong araw. Tinatayang 500 ang naka-schedule na turukan ng naturang gamot.
-
Naninindigan naman ang kumpanyang Johnson and Johnson's na mabisa ang kanilang "single dose" COVID-19 vaccine laban sa Delta variant ng virus, na siyang itinuturing na isa sa pinakanakahahawa ngayon sa mga variants of concern ng sakit.
-
Umabot na sa 181.93 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang 3.94 milyong katao.
— James Relativo