Bulkang Taal sumabog, alert level 3 itinaas!
MANILA, Philippines — Itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa alert level 3 ang Taal Volcano kasunod ng pagsabog dulot ng phreatic eruption o pagbuga ng makapal at maitim na usok.
Ang pagsabog ay lumikha rin ng 1 kilometrong phreatomagmatic plume bandang alas-3 ng hapon kahapon. Nagluwa rin ito ng mga bato at gas.
Sa 4 p.m. advisory ng Phivolcs, nagkaroon ng “magmatic intrusion” sa main crater ng Taal na maaaring magdulot ng mga susunod pang pagsabog.
Asahan din anya ang mga paglindol bunsod ng pagsabog.
Naganap ang steam-driven o phreatic na pagputok sa Taal na nagsimula 3:16 PM-3:21 PM.
“At 3:16 p.m., the Taal Volcano Main Crater generated a short-lived dark phreatomagmatic plume 1 kilometer-high with no accompanying volcanic earthquake,” saad sa advisory.
Dahil dito, inutos ng Phivolcs sa mga local executives sa palibot ng Taal Volcano Island at mga high-risk barangays ng Agoncillo at Laurel, Batangas na ilikas ang mga residente dahil sa posibleng pyroclastic density currents at volcanic tsunami.
Walang sinuman ang pinapayagang pumasok sa buong Volcano Island na isang Permanent Danger Zone (PDZ).
Pinapayuhan din ang mga komunidad na nasa paligid ng Taal Lake shore na maging mapagbantay at mapagmasid sa paligid dahil sa inaasahang lakewater disturbances dahil sa pag-aalboroto ng bulkan.
Magugunitang Enero 12, 2021 ng sumabog ang Taal na nakaapekto sa mahigit 700,000 katao sa Central Luzon, Calabarzon at Metro Manila.
Makaraan ng ilang buwan ay bahagyang humupa ang galit ng bulkan kaya ibinaba ito sa alert level 2 mula March 9 hanggang June 30, 2021
Umabot naman sa P3.4 bilyon ang pinsala sa infrastructure at agrikultura sa Batangas, Cavite at Laguna.
Ang Taal ay kabilang sa 24 active volcanoes sa Pilipinas at nakapagtala na ng 33 eruptions simula 1572. Ang pinakamatinding pagsabog ay noong 1911 kung saan 1,335 katao ang nasawi, base sa data ng Phivolcs.
- Latest