Duterte mangangampanya kontra Pacquiao sa 2022 'kung walang ituturong korap'

Magkatabi sa litratong ito sina Sen. Manny Pacquiao (kaliwa), Pangulong Rodrigo Dutete (gitna) at dating Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad noong 2018
File

MANILA, Philippines — Kahit na magkapartido sa ilalim ng PDP-Laban, posibleng mangampanya si Pangulong Rodrigo Duterte laban kay Sen. Manny Pacquiao sa darating na halalang 2022.

Sinabi ito ni Digong sa kanyang lingguhang Talk to the People Address nitong Lunes ng gabi, kasunod ng mga alegasyon diumano ni Pacman na mas tiwali ang kasalukuyang gobyerno kaysa sa administrasyon ni dating Pagulong Noynoy Aquino.

"[Si] Pacquiao, salita nang salita na three times daw tayo mas corrupt [kumpara sa Aquino admin]. So I am challenging him, ituro mo ang opisina na corrupt at ako na ang bahala. Within one week may gawain ako," ani Duterte kagabi.

"[If] you fail to do that, I will campaign against you because you are not doing your duty. Do it because if not, I will just tell the people: 'Do not vote for Pacquiao because he is a liar.'"

Ani Duterte, ginagawa niya ang lahat upang tugisin ang mga tiwali sa kanyang gobyerno. Nakararami na raw siya ng tinatanggal sa pwesto matapos ireklamo sa kanya, kabilang ang:

  • mga sangkot sa "Pastillas" scandal
  • 43 kawani ng Bureau of Immigration
  • 73 kawani ng Bureau of Customs
  • ilan sa Bureau of Internal Revenue

Pagpapatuloy niya, kilala noon ang Department of Public Works and Highways pagdating sa katiwalian ngunit "wala" raw siyang nakikita sa ngayon dahil sa napaalis na.

Nangyayari ang lahat ng ito kasabay ng mga bangayang nangyayari ngayon sa ruling party ng presidente at senado

Power struggle sa PDP-Laban at VP bid

Matatandaang pinalagan ni Pacquiao ang idinaos na National Council Assembly ng PDP-Laban na pinangunahan ni Energy Secretary Alfonso Cusi nitong ika-31 ng Mayo, bagay na may basbas ni Duterte. Wika ni Pacquiao, hindi niya ito ipinatatawag.

Si Pacquiao ang tumatayong "acting president" ng PDP-Laban habang si Duterte naman ang chairperson ng partido.

Sa nasabing asembliya, napagkaisahan ng partidong hikayatin si Duterte na patakbuhin sa pagkabise sa 2022, habang binibigyan ng kapangyarihang mamili ng kanyang presidente.

Kagabi lang nang ilang beses magparinig si Digong patungkol sa posible niyang pagtakbo sa posisyong vice president, kahit na hindi pa rin daw siya sigurado.

"[R]unning for vice president, ako. Ah sabihin ko it’s not at all a bad idea and if there is a space for me there, siguro. Pero kung wala akong space, everybody is crowding up wanting to be one, vice president, sila na lang muna kasi tapos na ako eh."

Ilang beses nang inilulutang ang pagtakbo ni Pacquiao sa pinakamatataas na pwesto sa gobyerno ng Pilipinas.

Ngayong buwan lang nang bweltahan ni Pacquiao si Duterte dahil sa pagmamaliit ng huli sa pag-intindi ng nauna sa foreign policy. Ani Pacman, alam naman daw ng lahat na sinasalamin ng pananaw niya ang "tunay na pulso" ng mga Pilipino pagdating sa pagprotekta ng sovereign rights sa West Philippine Sea, bagay na matagal nang nababatikos sa presidente.

"I respect the president’s opinion but humbly disagree with his assessment of my understanding of foreign policy," ayon sa senador.

"I firmly believe that my statement reflects the sentiment of majority of the Filipinos, that we should stand strong in protecting our sovereign rights while pursuing a peaceful and diplomatic solution to the dispute."

Nagbabanatan ang dalawa kahit na una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na isa si Pacquiao sa limang pinagpipilian ni Duterte na iendorso sa pagkapangulo sa 2022.

 

Show comments