MANILA, Philippines — Malabo pang ilagay sa mas maluwag na community quarantine o MGCQ ang Metro Manila o National Capital Region, ayon sa Malacañang.
Nilinaw ni Presidential spokesperson Harry Roque na ayaw niyang pangunahan kung ano ang mapapagkasunduan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na nagpulong kahapon (Lunes) pero sa tingin ni Roque ay mananatili pa rin sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila sa pagpasok ng Hulyo.
Pero binanggit din ni Roque na kahit pa ilagay muli sa GCQ ang NCR, may tiyansa naman na maging “regular GCQ” ito.
Samantala, hindi pa rin papayagang lumabas ang mga kabataan at mga senior citizens hangga’t wala silang bakuna upang mapanatiling ligtas laban sa COVID-19.
“Sa mga bata, manatili pong homeliners pa rin tayo dahil hindi pa po tayo nagbabakuna ng mga kabataan and we want to keep them safe together with the seniors. So iyong mga seniors po na hindi pa rin bakunado, homeliners pa rin po tayo,” ani Roque.