MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health ng 5,604 bagong infection ng coronavirus disease, Lunes, kung kaya't nasa 1,403,588 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 1,403,588
- Nagpapagaling pa: 52,029, o 3.7% ng total infections
- Kagagaling lang: 6,154, dahilan para maging 1,327,103 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 84, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 24,456
Anong bago ngayong araw?
-
Iimbestigahan naman na ng DOH ang nangyaring vaccination laban sa COVID-19 sa Lungsod ng Makati, kung saan nanusok lang ng karayom at hindi nagpasok ng gamot sa katawan ng vaccinee. Ani Health Secretary Francisco Duque III, sineseryoso nila ang naturang viral video at paiigtingin pa ang mga protocols para matiyak na hindi na ito mauulit.
-
Kaugnay ng insidente, kinumpirma ni Makati City Mayor Abigail Binay kanina na isang volunteer nurse mula sa kanilang lungsod ang sangkot sa nasabing viral video. Agad naman daw nabigyan uli ng COVID-19 vaccine ang babaeng tinusok lang ng karayom nang bumalik siya sa vaccination site noong ika-26 ng Hunyo.
-
Bagama't patapos na ang Hunyo at may public address si Pangulong Rodrigo Duterte mamayang gabi, kinumpirma naman ni presidential spokesperson Harry Roque na hindi pa tiyak kung mag-aanunsyo si Digong ng bagong quarantine classifications. Aniya, posibleng dalawang beses magtalumpati ang presidente ngayong linggo.
-
Samantala, nakatanggap naman ng karagdagang 1 milyong COVID-19 vaccines mula sa kumpanyang Sinovac Biotech ang Pilipinas ngayong araw, na siyang nagtataas sa vaccine supply ng bansa sa 12 million doses.
-
Naninindigan din ngayon ni Roque na hindi maaapektuhan ng mga ulat ng mga namatay kahit naturukan na ng Sinovac ang vaccine confidence ng mga tao. Aniya, hindi lang Philippine Food and Drug Administration ang nag-apruba nito ngunit pati World Health Organization.
-
Suportado rin ngayon ng Palasyo ang mga isinasagawang "drive-through" vaccinations laban sa COVID-19 kahit na iginugulong din ito ng mga oposisyon sa pangunguna ni Bise Presidente Leni Robredo. Ani Roque, meron na ring iba pang mga lokal na pamahalaang nagsasagawa kasi ng naturang practice.
-
Umabot na sa 179.7 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng WHO. Sa bilang na 'yan, patay na ang halos 3.9 milyong katao.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio