Hinay-hinay sa pagbaba sa ‘lockdown status’ ng Metro Manila
MANILA, Philippines — Nais ni Department of Health (DOH) at treatment czar Dr. Leopoldo Vega na maghinay-hinay ang pamahalaan sa pagbababa ng ‘lockdown status’ ng Metro Manila dahil sa napapaulat ngayon na mas mapanganib at nakakahawang variants ng COVID-19.
“Wala pa tayo sa out of the woods. Hindi pa tayo nakakalabas kasi gradual decrease natin kasi dahan dahan pang bumababa. At saka may variant of concern, ‘yung sinasabi nilang Delta variant,” ayon kay Vega.
Kasalukuyang nasa general community quarantine with restriction’ ang Metro Manila kasama ang Bulacan. Ang pinakamababang istatus ay ang modified general community quarantine (MGCQ).
Kailangang hindi mahuli ng ‘off-guard’ ang pamahalaan sa kabila ng pagtiyak niya na hindi pa kumakalat sa ‘local setting’ ang naturang variant.
Patunay nito ang pagkakaroon na ng bansa ng 17 kaso ng Delta variant na karamihan ay mga manlalakbay at bagong dating sa Pilipinas.
Sa kabila naman ng pagbaba ng mga kaso sa National Capital Region (NCR) sa mga nakalipas na linggo, hindi pa naman umano masasabi na talagang wala na lalo na at nagkakaroon ng surge sa ilang mga lugar sa Visayas at Mindanao.
Sa unang ulat ng OCTA Research, kabilang ang mga siyudad ng Davao, Bacolod, Iloilo, Cagayan de Oro at Tacloban ang nakitaan ng malaking pagtaas sa mga kaso. Habang sa Metro Manila, bumaba ng 700 ang average na kaso kada araw mula Hunyo 15-21.
- Latest