MANILA, Philippines — Tiniyak ng isang opisyal ng Philippine Genome Center (PGC) na wala pang lokal na kaso ng Delta variant ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay PGC Health Program Director Eva Maria Dela Paz, 17 pa rin ang naitalang kaso ng Delta variant sa bansa pero ang lahat ng ito ay mula sa mga international travellers.
Kaugnay nito, kinumpirma rin ni Dela Paz na ang Delta variant ay 60% na mas nakakahawa kumpara sa Alpha variant, na 40% na mas transmissible kumpara sa regular variant ng COVID-19.
Aniya pa, ang mga pasyenteng infected ng Delta variant ay may mas malala ring kondisyon.
Batay sa mga ulat, ang dalawang doses ng mga bakunang AstraZeneca at Pfizer ay nananatiling epektibo at nakapagbibigay ng proteksiyon laban sa COVID-19 ng 60% hanggang 80%.
Idinagdag ni Dela Paz na ikinokonsidera na ng World Health Organization na “variant of concern” ang Delta variant na unang nakita sa India. — Malou Escudero