COVID-19 vaccine 'brand mixing' makatutulong vs delayed deliveries — experts

Residents of Quezon City line up for Pfizer vaccine during the inoculation for A1, A2, A3 and A5 categories at Kia Theatre in Cubao on June 23, 2021.
National Task Force against COVID-19

MANILA, Philippines — Ngayong naiipit ang suplay ng mga bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, nakikita ng ilang lokal na dalubhasa ang magiging ambag ng paggamit ng dalawang magkaibang vaccine brands sa iisang tao para labanan ang pandemya.

Kinatatakutan kasi ngayong hindi maiturok agad ang ikalawang dose ng Sputnik V vaccine sa mga nabigyan na ng unang dose sa loob ng itinakdang 21 araw. Delayed ngayon ang delivery ng karagdagang 50,000 doses ng nasabing gamot sa Pilipinas.

"Isa sa mga challenges natin ngayon is 'yung supply... 'Yung brand mixing can help," ani Dr. Isagani Padolina, miyembro ng DOST Vaccine Expert Panel (VEP), Biyernes.

"So if you have the ability to replace that second dose with another brand... It will still be effective. So we have studies ongoing for those."

Una nang sinabi ng Deparment of Health nitong Mayo na nagbabalangkas na sila ng mga panuntunan pagdating sa pagtuturok ng dalawang magkaibang brands ng bakuna sa iisang tao.

Aniya, nakitaan na raw kasi ito ng theoretical basis, ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire. Ilan sa mga bansang nagpapatupad ng "brand mixing" ay ang bansang United Kingdom. Gayunpaman, pinag-aaralan pa raw ito ng gobyerno.

Kamakailan lang din nang maipit ang suplay ng CoronaVac vaccines ng drug manufacturer na Sinovac sa Pilipinas matapos bigong makapagsumite ng kinakailangang dokumento. Gayunpaman, naipamahagi na rin ito matapos maibigay ang naturang deficiency.

Sa huling ulat ni presidential spokesperson Harry Roque nitong Huwebes, umabot na sa 16.2 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang dumating sa Pilipinas, kasama na ang 2 milyong Sinovac doses na kahapon lang dumating sa bansa.

Epektibo pa rin kahit lampas sa 'interval period'?

Ayon naman kay Dr. Rontgene Solante, na miyembro rin ng VEP, hindi naman agad kinakailangang mabahala kahit na ma-late nang kaonti ang pagtuturok ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine.

Gaya ng bakuna ng Pfizer, sinabi ni Solante na mataas din ang efficacy rate ng Sputnik V vaccine ng Rusya. Sabi niya, magiging delikado lang daw talaga kung anim na buwan hanggang isang taon ang pagitan ng unang dose sa ikalawa.

"Kung ang delay lang [ng second dose eh] four weeks or two months, I think it's still good. It can still be good vaccine," saad ni Solante.

"There will still be partial protection based on initial data. We don't need to worry for that. We have to reassure the public that the second dose is coming, it may just be delayed but the delay is not significant enough na hindi na magiging effective 'yung bakuna natin."

Dagdag pa niya, magge-generate pa rin daw ng antibodies sa katawan ng tatanggap nito oras na iturok ang delayed second dose ng Sputnik V.

Sa huling taya ng DOH kahapon, umabot na sa 1,378,260 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, umabot na sa 24,036 ang namamatay.

Show comments