Ayaw magpabakuna ‘di aarestuhin – PNP
MANILA, Philippines — Hindi aarestuhin ng Philippine National Police (PNP) ang mga taong ayaw magpabakuna.
Ito ang tiniyak ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa kabila ng babala ni Pangulong Rodrigo Duterte na aarestuhin na ang sinumang hindi magpapabakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Eleazar, nakipag-ugnayan na siya kay Justice Secretary Menardo Guevarra kung saan sinabi ng kalihim na walang batas na gagamiting batayan sa pag-aresto sa mga ayaw magpabakuna.
Gayunman, naniniwala si Eleazar na hindi na kailangang pilitin ang mga ayaw magpabakuna dahil marami na ang kumbinsido na makakatulong ang bakuna na panlaban sa COVID.
Kitang-kita umano ito sa haba ng pila sa halos lahat ng mga vaccination sites.
Kung mayroon mang nag-aalinlangan pa sa ngayon ay kailangan lang aniya silang kumbinsihin sa pamamagitan ng mas masugid pang information campaign.
Inihalimbawa ni Eleazar ang information drive ng PNP kung saan sa simula ay 51 porsyento lang ng kanilang mga tauhan ang pabor na magpabakuna, pero ngayon ay nasa 93 porsyento na.
- Latest