'Kontra-troll': Paglilimita ng tao sa iisang FB account itinutulak na, ani Sotto
MANILA, Philippines — Suportado ngayon ng isang senador ang panawagang pagreregula sa dami ng social media accounts na pwedeng gawin ng isang tao, bagay na nagagamit daw kasi sa paninirang puri tuwing halalan.
Sa panayam ng ONE News kay Senate President Vicente "Tito" Sotto III, sinabi niyang hindi dapat pahintulutan ang pagmimintena ng multiple FB accounts para na rin mabawasan ang epekto ng "online trolls" sa eleksyon.
"This is the proposal that I heard and was given to me that I know is being proposed to Facebook now: One name, one person to make the 2022 elections [cleaner] — mabawasan 'yung problema sa trolls, mabawasan 'yung naninira sa kapwa," ani Sotto, Martes.
"There should be a call, not only by government but people na ang Facebook dapat patinuin... Hindi pupwede 'yung tatlo apat ang account mo... walang ginawa kundi magmura. Hindi ba? Hindi maganda 'yon."
One Facebook account per person?
— ONE News PH (@onenewsph) June 23, 2021
Senate Pres. Tito Sotto raises with #TheChiefs a proposal to limit one Facebook account per person to reduce the effect of online trolls in elections.
WATCH: https://t.co/nPsueBzIVj pic.twitter.com/LFEjWEsr59
Matagal nang ipinagbabawal ng FB community standards ang paggamit ng multiple accounts. Ang problema, halos 'di naman 'yan nasusunod.
"Facebook is a community where people use their authentic identities. It's against the Facebook Community Standards to maintain more than one personal account."
Marami sa ngayon ang gumagawa ng "dummy" o "troll" accounts sa sari-saring social media platforms sa kasalukuyan — ang marami sa kanila, itinatago ang tunay na pagkikilanlan.
Taong 2019 lang nang makapanayam ng GMA News ang isang nagpapatakbo ng "troll farm" para mang-atake sa mga sari-saring personalidad, kasama na ang mga tumatakbo sa eleksyon. Ang isang troll, 180-200 accounts ang kino-control para makapag-impluwensya.
Ayon sa actor-turned-senator, hindi na raw ito kinakailangang idaan sa pagpapasa ng batas sa Kamara o Senado dahil pwedeng Facebook na raw mismo ang magpatupad nito. Itinatanggi naman ni Sotto na "pag-atake" ito sa civil liberties kung maipatupad.
"That's Facebook eh. That's their turf. They own that. Pwede tayong sabihan. That's not regulating social media eh. You can say whatever you want, as long as it's not libelous eh," dagdag niya.
"'Yun ang pinaka-best solution doon para mabawasan 'yung mga sinasabing trolls na walang ginawa para manira ng kapwa."
'Troll farms' pinaiimbestigahan sa Kamara
Naghain naman ng House Resolution 1900 ang Makabayan bloc para manawagan ng agarang imbestigasyon sa mga diumano'y "government-funded and operated" troll farms, bagay na nagagamit din daw para atakihin ang mga progresibo, aktibista at kritiko ng gobyerno.
"Tiyak na magpapatuloy at lalawak pa itong troll operations hanggang sa eleksyon kaya dapat imbestigahan at pigilan na ito," ani Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, Miyerkules.
"These troll farm operations are meant to erode what's little left of our democracy, and to attack the freedom of the press. It must be stopped immediately."
Setyembre 2020 lang nang magkaroon ng "mass takedown" ng accounts, pages at Instagram profiles ang Facebook dahil sa "coordinated inauthentic behavior." Marami rito ay kinokontrol daw ng mga militar at pulis ayon sa imbestigasyon ng FB, habang nire-redtag ang mga aktibista.
Kasunod ng takedowns, binantaan ni Pangulong Rodrigo ang FB at sinabing baka hindi na sila pahintulutang mag-operate sa Pilipinas.
Kamakailan lang nang isawalat ni Sen. Panfilo Lacson ang operasyon ng troll farms diumano ng gobyerno, na siyang pinatatakbo pa raw gamit ang buwis ng taumbayan, ani Gaite.
Paano makilala ang trolls?
Kaugnay ng isyu, naglista naman ng ilang "tips" kanina si Lacson para mabuking kung troll ang matitisod mong tao online.
- walang aktibidad ang FB profile
- may generic o hindi makilalang profile photo
- sobra-sobra ang pagkaagresibo online, kasama ng mga offensive na mensahe kaysa argumento
- "copy-paste" o kapansin-pansing pattern sa mga komento
- paggamit ng fake news o kakaibang lohika
- biglaang pagbuhos ng kakampi online na umaatake sa iisang taong hindi nila makasundo sa internet
Dagdag pa niya, nakakukuha siya ngayon ng impormasyong magtuturo sa pagtatayo ng troll farm ng isang undersecretary. Dalawa raw ito kada probinsya at sinakto pa sa 2022 elections.
"We know trolls are financially and emotionally fueled by agitating and getting a response from their targets. Denying them that fuel is a good first step," paliwanag ng senador.
"But as we wait for the companies concerned to take appropriate action, it would be better for us to develop the habits that will deny these trolls their prize." — may mga ulat mula ONE News
- Latest