MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health ng 4,353 bagong infection ng coronavirus disease, Miyerkules, kung kaya nasa 1,372,232 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 1,372,232
- Nagpapagaling pa: 49,862, o 3.6% ng total infections
- Kagagaling lang: 7,139, dahilan para maging 1,298,442 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 199, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 23,928
Anong bago ngayong araw?
-
Ngayong araw ang pinakamababang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas (49,862) sa loob ng 27 araw, o halos isang buwan. Huling mas mababa ang datos diyan noong ika-27 ng Mayo.
-
Pormal nang iklinasipika ng gobyerno ang Metro Manila bilang "low-risk" area para sa COVID-19, pahayag ni DOH Epidemiology Bureau director Alethea de Guzman kanina. Aniya, 23% ang ibinagsak ng COVID-19 cases sa rehiyon sa nakaraang dalawang linggo.
-
Kaugnay niyan, sinabi rin ng DOH na nasa 14 rehiyon sa Pilipinas na ang nakitaan ng lokal na kaso ng "Alpha" COVID-19 variant habang 15 rehiyon naman ang merong "Beta" variant. Parehong mas nakahahawa kumpara sa karaniwang ang mga nabanggit. Lahat na rin ng lungsod at bayan sa Metro Manila ay meron nang kani-kanilang variants of concern.
-
Binati naman ng Department of the Interior and Local Government ang Lungsod ng Maynila matapos mapagdesisyunan ng huli na ibasura ang kanilang "no walk-in" policy para sa COVID-19 vaccinations. Ito'y kahit na pinalilimitahan lang ito ng DOH para mabawasan ang dagsaan at hawaan ng COVID-19 sa vaccination sites.
-
Naiipit naman sa ngayon ang delivery ng mahigit 50,000 doses ng Sputnik V COVID-19 vaccines sa Pilipinas ani vaccine czar Carlito Galvez Jr. kanina. Sabi ng opisyal, idinudulot ito ngayon ng patuloy na "upgrades" at "developments" sa nasabing bakuna.
-
Umabot na sa 178.5 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang mahigit 3.9 milyong katao.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio