MANILA, Philippines — Umarangkada na ang Vaccine Express ng Tanggapan ni Vice President Leni Robredo kasama ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa pangunguna ni Manila Mayor Isko Moreno.
Personal na binisita ni VP Leni at Mayor Isko ang pinagdarausan ng Vaccine Express sa unang araw ng programa nitong Martes, Hunyo 22.
Dito, binakunahan ang mga economic frontliners tulad ng tricycle, pedicab, at delivery riders mula sa lungsod ng Manila na kabilang sa A4 category ng priority groups na itinakda ng pamahalaan.
Pinasalamatan ni VP Leni at Mayor Isko ang tanggapan ng bawat isa dahil sa all-out na kooperasyon at suporta na binigay ng mga ito para sa pagpapaigting ng vaccination drive ng lungsod.
“Iyong suportang binigay sa amin all-out. Kaya pagdating ni Mayor Isko kanina pinapasalamatan ko siya kasi iyong staff talaga niya, lahat ng klase ng tulong na kailangan namin binigay. And nakakatuwa iyon. Nakakatuwa na hindi tinitingnan iyong kulay. Basta sa ngalan ng serbisyo para sa bayan ay magtutulungan [dahil] ang magbe-benefit dito iyong taumbayan,” wika ni VP Leni.
Para naman kay Moreno, napakalaking tulong ng inisyatibo ng OVP para sa mga riders at drivers kaya’t aniya, ipagpapatuloy nila ang Vaccine Express para naman sa mga vendors sa lungsod.
Isa lamang ang Vaccine Express sa maraming inisiyatibo na sinimulan ng tanggapan ni Robredo para sa pagtugon ng pangangailangan ng mga Pilipino sa gitna ng banta ng COVID-19.
Marso pa lamang nang unang tumama ang virus sa bansa, inilunsad agad ng OVP ang sari-saring programa nito para sa mga frontliners at komunidad, kabilang na ang delivery ng mga personal protective equipment, libreng shuttle service, libreng dormitories, at marami pang iba.