MANILA, Philippines — May batayan daw si Pangulong Rodrigo Duterte sa kagustuhan niyang ipakulong ang mga tumatanggi magpabakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) — pero kinakailangan muna ng ordinansa o batas para maipatupad ito, ani presidential spokesperson Harry Roque.
Ito ang sinabi ng tagapagsalita ng presidente matapos pagbantaan ng huli ang mga ayaw magpabakuna ng pagkakaaresto, sa pag-asang mahihikayat silang magpa-immunize laban sa nakamamatay na virus.
Related Stories
"Sa jurisprudence po ng Pilipinas at ng Amerika, pwede pong ma-compel o maaari pong ipatupad ang compulsory vaccination. Pero kinakailangan po may ligal na basehan. So kinakailangan po natin either ng ordinansa o ng batas na magpapataw din ng parusa doon sa mga ayaw magpabakuna," ani Roque, Martes.
"So ang sinabi po ni presidente kahapon, well, kung kinakailangang gawing mandatory 'yan, meron namang ligal na basehan 'yan. Pero kailangan ng ordinansa o ng batas."
Swak ang sinabi ni Roque sa pahayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na wala pang batas sa pagpapakulong ng ayaw sa COVID-19 vaccination. Gayunpaman, idiniin niyang pwedeng-pwede mag-compel ng mandatory vaccination ng pamahalaan.
Paliwanag ni Roque — na isa ring abogado — nagkaroon na ng kaso noon sa Korte Suprema nang kwestyonin ang obligadong pagbabakuna sa mga bata laban sa smallpox. Nakasaad daw ito sa kaso ng People of the Philippines vs. Jose Abad Santos: "The right of the state to compel compulsory vaccination is well established," dagdag ni Roque, habang kino-quote ang kaso.
Meron na ring desisyon diyan sa American courts sa ilalim ng Jacobson v. Massachusetts, kung saan tinatalakay din ang mandatory vaccination: At ang sabi po ng korte roon, "In every well-ordered society, the rights of the individual, in respect of his liberty, may at times under pressure of great dangers be subjected to such restraint, to be enforced by reasonable regulations as the safety of the general public may demand."
Kanina lang nang sabihin ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na nasabi lang ito ni Duterte para idiin ang kahalagahan ng immunization laban sa pandemya.
DOH, WHO sa pamimilit ng bakuna
Abril lang nang idiin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi dapat ipilit ng gobyerno ang COVID-19 vaccinations. Gayunpaman, "moral obligation" daw ito kung maituturing.
"At this period when these vaccines are still at the developmental stage, we cannot mandate people to accept these vaccines because this is not completed yet," saad ni Vergeire.
"We are adhering to the principle that the benefits outweigh the risks. That’s why we’re offering it to the population but it will be their right to decide if they will accept the vaccine or not."
Emergency use authorization pa lang ang ibinibigay ng Food and Drug Administration para mapayagan itong maiturok sa mga mamamayan. Sa kabila nito, wala pa itong rehistro o certificate of product registration.
Dahil diyan, hindi ito basta-basta pwedeng bilhin ng karaniwang mamamayan. Ito ang dahilan kung bakit libre at boluntaryo itong ibinibigay sa taumbayan ngayon.
Ngayong Abril lang din nang sabihin ng World Health Organization na hindi nito sinusuportahan ang sapilitang pagpapaturok ng mga populasyon.
"Such policies are not uncommon... although it should be noted that the World Health Organization (WHO) does not presently support the direction of mandates for COVID-19 vaccination, having argued that it is better to work on information campaigns and making vaccines accessible. In addition, WHO recently issued a position statement that national authorities and conveyance operators should not require COVID-19 vaccination as a condition of international travel."
Dagdag pa nila, magkaiba ang ligal at ethical obligations pagdating sa pagbabakuna, lalo na't hindi nangangailangan ng "pananakot at pagbabawal" sa mga hindi sumusunod ang nahuli.
Sa huling tala ng Department of Health nitong Lunes, umabot na sa 1,359,015 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. 23,621 na sa kanila ang patay.