MANILA, Philippines — Pabor si Health Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega na tanggalin na ang face shield lalo na kapag nasa labas ng bahay o establisimi-yento gaya ng mall habang kailangang suot ito kapag ‘indoors’.
Sinabi ni Vega na hindi na kinakailangan pa ng mga nagtatrabaho o naglalakad sa open-air o outdoor settings na magsuot ng face shields.
Mababa naman umano ang panganib ng hawahan kapag nasa ‘outdoors’ kaya kung naglalakad lamang sa kalye o sa labas naman ang trabaho ay maaari na itong tanggalin.
“Kapag nasa outside naman, ang risk of transmission is very low. ‘Pag naglalakad ka sa kalye, baka maka-affect ‘yung moist nito so puwede ninyo pong tanggalin ‘yan.”
Pero kailangang isuot naman ito kapag nasa ‘indoors’ gaya ng malls o kapag may face-to-face na interaksyon sa loob ng isang establisimyento bilang proteksyon na huwag mahawahan ng COVID-19.
Una nang iminungkahi ni Manila Mayor Isko Moreno at ng ilang senador na huwag nang pagsuotin pa ng face shields ang mga mamamayan, sa ibabaw ng face masks, dahil ang Pilipinas na lamang aniya ang tanging gumagamit nito laban sa COVID-19.
Sinabi pa ni Isko na dagdag gastos lamang ang face shield at dagdag basura.
Hindi naman ito pinagbigyan ng DOH dahil ito anila ay karagdagang proteksiyon sa mga mamamayan, alinsunod na rin sa mga pag-aaral.
Sa mga unang araw ng pagpapatupad nito, inireklamo rin ng mga bikers group ang ginagawang panghuhuli sa kanila dahil sa hindi nakasuot ng face shield na kinalaunan ay itinigil na rin ng mga law enforcement agencies.