MANILA, Philippines — Imbes na magpakasaya kasama ng mga kaibigan at pamilya, isinilebra ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang kaarawan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga batang may sakit sa isang ospital sa Quezon City noong Lunes.
Pinuri ang gobyerno sa patuloy na pagsisikap na maresolba ang mga balakid sa health and medical care na kinakaharap ng indigent patients sa gitna ng pandemya, ipinagdiwang ni Go ang kanyang kaarawan kasabay ng pagbubukas ng ika-119 Malasakit Center sa National Children’s Hospital sa Quezon City.
Ang NCH, nangungunang provider ng pediatric care, ang ika-24 ospital sa Metro Manila at pang-9 sa Quezon City na napagtayuan na ng Malasakit Center.
Ang iba pa ay ang East Avenue Medical Center, Lung Center of the Philippines, Novaliches District Hospital, Philippine Children’s Medical Center, Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Orthopedic Center at Veterans Memorial Medical Center.
Muling idiniin ni Go ang kanyang pangako na patuloy na isusulong ang mga panukalang batas na magsasaayos ng access sa dekalidad na health care sa buong bansa.