MANILA, Philippines — Posibleng sa Agosto o unang bahagi ng Setyembre magbukas ang klase para sa School Year 2021-2022.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, tatlong petsa ng class opening ang ipiprisinta nila kay Pang. Rodrigo Duterte para aprubahan.
Ang una ay ang class opening sa Agosto na siyang naaayon sa batas, o di kaya ay una o ikalawang linggo ng Setyembre.
“Kailangan may choice naman dahil siya ang magdi-decide, bibigyan namin siya ng tatlong choices. ‘Yung August na sang-ayon talaga sa existing law, at saka kung mag-extend siya up to September, first week or second week,” paliwanag ng kalihim, sa Laging Handa press briefing.
Una nang ipinanukala ng DepEd na magbukas ang klase sa Agosto 23 ngunit umani ito ng pagtutol sa hanay ng mga guro at mga estudyante.
Nilinaw naman ng DepEd na ang Pangulo pa rin ang may pinal na desisyon hinggil dito.
Ang School Year 2020-2021 ay nakatakdang magtapos sa Hulyo 10.