Patay sa COVID-19 sa bansa sumipa sa 22,963 ngayong mga kaso nasa 1.32-M
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health ng 5,389 bagong infection ng coronavirus disease, kung kaya nasa 1,327,431 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 1,327,431
- Nagpapagaling pa: 58,063, o 4.4% ng total infections
- Kagagaling lang: 6,667, dahilan para maging 1,246,405 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 118, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 22,963
Anong bago ngayong araw?
-
Nasa 304 kaso na unang iniulat na "gumaling na" ang kinumpirma naman ng DOH na may COVID-19 pa rin, habang 65 naman sa mga nauna nang nai-report na nag-recover ang patay na pala matapos i-validate ng gobyerno.
-
Nangako ng hindi pa natitiyak na rami ng AstraZeneca COVID-19 vaccines ang Japan sa Pilipinas, bagay na kinumpirma ng kanilang ambassador sa bansa na si Koshikawa Kazuhiko. Wala pang petsa kung kailan darating ang doses, sinabi niyang ipadadala ito "sa lalong madaling panahon."
-
Inilinaw naman ni presidential spokesperson Harry Roque ang pagkakaiba ng "GCQ with restrictions" ng Metro Manila at Bulacan kumpara sa "GCQ with heightened restrictions" sa Rizal, Laguna at Cavite, bagay na ipatutupad simula bukas hanggang ika-30 ng Hunyo.
-
Ilang atletang Pilipinong maglaro sa Tokyo Olympics naman gaya nina EJ Obiena ang nagdadalawang-isip kung magpapaturok pa ng bakuna laban sa COVID-19, kahit na isang buwan na lang ang nalalabi bago ang event. Ayon sa kanyang amang si Emerson, pinag-aaralan pa nila kung maisisingit ito sa oras o kung makaaapekto ang side-effects nito sa performance ng anak.
-
Lunes ng gabi nang ipaalala ni Food and Drug Administration director general Eric Domingo na magsisimula na ang clinical trials ng Department of Science and Technology pagdating sa bisa ng ivermectin laban sa COVID-19. Nais na kasing malaman ni Pangulong Rodrigo Duterte kung uubra ito sa nakamamatay na virus, lalo na't nakakukuha siya ng "maraming testimonya" pagdating sa bisa nito.
-
Umabot na sa halos 175.7 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang 3.8 milyong katao.
— James Relativo
- Latest