1.32 milyong COVID-19 cases naitala na ng DOH sa bansa; patay 22,845 na

People look over colorful artworks painted on oversized face masks worn by "Higantes" heads depicting some Philippine heroes on display inside the SM City Taytay in Rizal on June 9, 2021.
The STAR/Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 6,426 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19), Lunes, kung kaya nasa 1,322,053 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.

Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:

  • Lahat ng kaso: 1,322,053
  • Nagpapagaling pa: 59,096, o 4.5% ng total infections
  • Kagagaling lang: 7,145, dahilan para maging 1,240,112 na lahat ng gumagaling 
  • Kamamatay lang: 57, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 22,845

Anong bago ngayong araw?

  • Simula bukas, Martes, paiiksiin na patungong 12 ng hatinggabi hanggang 4 a.m. ang ipinatutupad na curfew sa Metro Manila. Kasalukuyang 10 p.m. nagsisimula ang nasabing curfew hours sa Kamaynilaan bilang "tugon" sa COVID-19 infections sa National Capital Region.

  • Samantala, naninindigan si presidential spokesperson Harry Roque na malabong ibaba sa pinakamaluwag na modified general community quarantine (MGCQ) ang NCR Plus simula ika-16 ng Hunyo. Aniya, malamang ay ordinaryong general community quarantine ang ibaba sa mga areas. Ngayong gabi nakatakdang banggitin ni Duterte ang mga panibagong quarantine restrictions sa bansa.

  • Inilinaw naman kanina ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na wala pang matibay na ebidensyang magpapatunay na maipapasa ang COVID-19 sa pamamagitan ng "blood transfusion." Ito ang kanyang sinabi nang matanong kung ano ang safeguards ng DOH sa pagkalat ng hawaan dahil sa blood donations.

  • Kinumpirma din ng DOH na naipamahagi na nang buo sa mga bakunahan ang AstraZeneca COVID-19 vaccines na malapit nang mapanis sa buong Pilipinas. Nasa 2.5 milyong doses ang tinatayang mag-expire ngayong Hunyo at Hulyo.

  • Patuloy namang naiipit ang pinakabagong shipment ng COVID-19 vaccine doses ng kumpanyang Sinovac na dumating sa Pilipinas dahil sa hindi pa rin naisusumite ng naturang drugmaker ang ilang kinakailangang dokumento.

  • Iginigiit naman ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na "agresibong" COVID-19 testing ang dahilan kung bakit lubhang tumataas ang mga naitatalang kaso sa kanilang lungsod, bagay na kanyang tugon sa komento ni Vice President Leni Robredo na maaring tingnan ng lungsod kung paano hinarap ng Cebu City ang spike sa mga kaso.

  • Umabot na sa 175.3 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang mahigit 3.8 milyong katao.

— James Relativo

Show comments