'Naghahanap ng sex': DepEd modules malaswa isinalarawan mga Aswang

Makikitang sinasagutan ng mga batang ito ang kanilang learning modules habang nasa online class sa gitna ng isinasagawang blending learning sa gitna ng COVID-19 pandemic
The STAR/Miguel de Guzman, File

MANILA, Philippines — Mali-mali at bastos ang pananalitang ginagamit sa ilang educational materials sa pagtuturo ng mitolohiyang Pilipino sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic — ito'y kahit Department of Education (DepEd) mismo ang nasa likod ng mga ito.

"Naghahanap ng makakantot," may pakpak at nangangain ng tao kung ilarawan ang mga Aswang sa isang DepEd self-learning module mula Mabalacat, Pampanga, bagay na inireklamo sa pagdinig ng Kamara, Lunes.

Narito ang eksaktong mga katagang ginamit sa isang module para sa mga batang nasa Grade 10, na siyang iprinesenta ng edukador na si Antonio Clipjo Go sa mga mambabatas at sa Deped:

"Aswang - siya rin ay isang diyos pero ang Aswang ay pinaniniwalaan na ito'y tao na kumakain ng kapwa tao, kung minsan ang mga ito ay pinapaniwalaan na may mga pakpak at sila raw ay gising kung gabi para maghanap ng makakantot or maaaswang."

"Kung anu-ano ang sinasabi: editorial preference, matters of usage. An error is an error," wika ni Go, Lunes.

"Non-negotiable po 'yun. An error is an error, period... Imagine, 'yung bata, pinababasa natin ng ganyang kasamang salita?"

Sabi ni Go, personal na isinangguni ng tatlong magkakaibang magulang mula sa Pampanga ang nilalaman ang naturang module, na siyang ginagamit bilang bahagi ng distance learning habang hindi pinahihintulutan ang face-to-face learning.

Inako naman ng DepEd ang naturang module at sinabing lehitimo at totoong pagkakamali ito sa ilalim ng kagawaran.

Ani Education Undersecretary Diosdado San Antonio, kabilang na ito sa mga naitalang 155 errors ng DepEd, dahilan para sila'y maglabas ng mga errata.

"Ginawan na po 'yan ng errata ng [DepEd] Division office na concerned... Region III. Naglabas po ang superintendent ng instruction na mali 'yung nilalaman ng activity learning sheet na ito," ani San Antonio sa parehong pagdinig.

"Ako, hindi rin po ako masaya na may mga mali-mali. Pero dahil nangyayari pa rin ang mga maling ganito ay kailangan may proseso para maisaayos."

155 mali naberipika ng 'Error Watch'

Sa pagitan ng Oktubre 2020 hanggang Hunyo 2021, nakapagkalap ang gobyerno ng 163 pagkakamali sa mga learning materials na inireklamo sa pamamagitan ng binuong "Error Watch" ng DepEd, bagay na magbeberipika kung totoo o hindi ang mga nabanggit.

Narito ang breakdown ng kanilang nakalap:

  • locally developed materials (104)
  • unknown sources (23)
  • developed art material mula sa pribadong publisher (1)
  • textbook ng DepEd (1)
  • mga nabanggit sa DepEd TV episodes (5)
  • galing sa mga inisyu ng DepEd central office (29)

Matapos i-validate ang mga reklamo, lumalabas daw na tanging 155 lang ang kayang iberipika na errors. Tumutukoy ang mga "unknown sources" sa mga pagkakamaling hindi matukoy kung DepEd ang may kagagawan. Hindi rin daw matukoy ng gobyerno kung saan ito mismo ginagamit.

"It's disappointing. 155 is substantial... 'Yung unknown sources eh, paano niyo ia-address 'yun? That's 25%," ani AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin kanina.

"Hindi ba nakakatakot 'yan that... nakakalusot 'yan at hindi niyo alam kung saan nanggaling?" — may mga ulat mula sa News5

Show comments