Shabu no.1 problema pa rin ng Pinas – PNP
MANILA, Philippines — Nananatiling no. 1 problema pa rin ang shabu sa Pilipinas kaya mas pinaiigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang ugnayan sa mga foreign drug enforcement agencies upang masawata paglabas at pagpasok ng illegal drugs partikular ang shabu o methamphetamine hydrochloride.
Ito ang binigyang diin ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ito’y matapos na ihayag ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) na pangunahing problema sa Pilipinas ang shabu.
“Patuloy ang ating koordinasyon sa mga drug enforcement agencies sa ibang bansa, katuwang ang PDEA [the Philippine Drug Enforcement Agency] at Bureau of Customs, para mapalakas pa ang ating border controls kontra sa pagpasok ng illegal drugs sa bansa,” ani Eleazar.
Ayon kay Eleazar, inalerto na rin niya ang lahat ng police units kabilang ang Maritime Group upang doblehin ang pagbabantay at gumawa ng security measures laban sa pagpasok ng illegal drugs sa mga baybayin.
“Kabi-kabila ang mga nasasabat ng PDEA at PDEG na malakihang bulto ng shabu. Baka kaya din na nasabi nilang talamak pa din ang shabu ay dahil sa mga successful operations,” dagdag niya.
Nabatid kay Eleazar na umaabot sa 273,014 drug personalities kabilang ang 10,959 HVTs ang naaresto ng PNP.
- Latest