MANILA, Philippines — Aminado ang isang opisyal ng Department of Health (DOH) na hindi pa nailalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang ‘hazard pay’ ng mga health workers para sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.
Sinabi ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na kasalukuyang pinoproseso pa nila sa DBM ang pagpapalabas ng ‘hazard pay’ maging ang ‘special risk allowance’ ng mga health workers.
Dahil dito, marami nang mga health workers ang nagrereklamo sa mabagal na proseso ng pagpapalabas ng kanilang mga benepisyo habang nanganganib ang kanilang kalusugan dahil sila ang nasa pinaka-unahan sa paglaban sa COVID-19 sa mga pagamutan.
Sinabi pa ni Vega na may ilang health workers na ang nagbibitiw sa kanilang trabaho na maaaring magresulta sa kakapusan ng kanilang mga tauhan.
Bukas pa rin naman umano ang nasa 10,300 na posisyon para sa mga health workers sa iba’t ibang panig ng bansa para mapalakas ang health care system ng mga pagamutan lalo na sa labas ng National Capital Region.