MANILA, Philippines — Hindi isusuko ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa pamalahaan ang mga miyembro ng New People's Army (NPA) na umako sa pagkamatay ng isang FEU football player at kanyang pinsan sa Masbate — hindi dahil ayaw nilang bigyan ng katarungan ang naulila, ngunit dahil "sila ang may jurisdiction" sa mga akusado.
Ito ang tugon ng CPP sa Philstar.com matapos hamunin ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Edgard Arevalo ang mga komunista nitong Huwebes na isuko sa gobyerno ang NPA fighters na sangkot sa "fatal error" na naibagsak kina Keith at Nolven Absalon.
Related Stories
"Mananatili sa jurisdiction ng mga rebolusyonaryong awtoridad ang mga sangkot sa trahedya," ani Marco Valbuena, chief information officer ng CPP, Huwebes.
"Sa balangkas na may digmaang sibil, at sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) sa pagitan ng NDFP at GRP, kinikilala ang solong kapangyarihan ng NDFP sa mga reklamo laban sa mga tauhan ng NPA, katulad na nasa ilalim ng solong kapangyarihan ng GRP ang mga reklamo sa kanyang sariling tauhan."
Una nang inako ng CPP-NPA ang pagkamatay ng mga Absalon matapos magkamali sa isinagawan aksyong militar, bagay na kanilang ipinagpapahingi ng tawad. Nag-aalok din sila ngayon ng danyos perwisyos sa mga naulila ng insidente.
Sinasabi nina Arevalo at ng Malacañang na gumamit ng "anti-personnel landmines" ang NPA, bagay ipinagbabawal sa international laws gaya ng Ottawa Treaty (kung saan nakalagda ang Pilipinas).
Gayunpaman, ayaw pa magkomento ng CPP kung totoong gumamit ng landmines ang Bagong Hukbong Bayan sa ikinasang opensiba noong ika-6 ng Hunyo sa Baranggay Anas dahil patuloy pa rin daw ang imbestigasyon.
"I would like to assure the public that [our] committees and organs of governance are fully capable of carrying out their tasks to make an accounting of the mistakes committed by the NPA unit, and that the necessary disciplinary action and punishment will be meted out commensurate to the role and conduct of those involved in the incident," patuloy ni Valbuena.
Una nang sinabi ni Arevalo na labag sa kasong "murder," Anti-Terrorism Act of 2020 at Republic Act 9851 ang nagawa ng NPA. Tumutukoy ang huli sa pagpaparusa sa mga lumalabag sa international humanitarian law.
'Dalawang gobyerno' at parusa sa loob ng NPA
Nakasandig sa konsepto ng pagkakaroon ng "dalawang gobyerno" sa Pilipino ang hindi pagsuko ng CPP sa mga miyembro ng NPA sa Government of the Republic of the Philippines (GRP), lalo na't dahan-dahang nagbubuo ng kanilang sariling gobyerno ang mga rebelde sa kanayunan.
Ayon sa 2012 interview kay CPP founding member Jose Maria Sison, ipinaliwanag niyang "milyun-milyon" na ang napapamunuan ng mga lokal na "organo ng kapangyarihang pampulitika" na sumasaklaw sa 70 probinsya. Ang sumatutal ng mga organong ito ang itinuturing na "pamahalaang demokratiko ng bayan."
Sa ilalim ng paggogobyernong ito, meron silang sariling "hukumang bayan," na hiwalay sa otoridad ng karaniwang korte at hudikatura sa Pilipinas.
Wala pang sinasabi sina Valbuena kung ano ang ipaparusa nila sa mga sangkot pagkamatay ng mga Absalon. Sa kabila nito, inilista niya ang mga maaaring tugong pandisiplina at parusa batay sa "Mga Alituntunin ng NPA":
- mahigpit na pangaral
- pagtitiwalag
- parusang kamatayan
"Siyempre, tulad ng nasabi ko, kailangan munang alamin ang bigat ng responsibilidad o pagkakasala ng bawat isa," sabi pa ni Valbuena.
CHR: 'Wag tapusin sa pag-ako ng krimen
Ayon naman sa Commission on Human Rights, hindi sapat na akuin ng mga rebeldeng komunista ang kanilang kagagawan. Para maibigay ang "full responsibility" sa isyu, kinakailangan daw na makapagbigay ng accountability ang mga nabanggit.
"If the New People’s Army is serious and sincere about taking accountability for the IED (improvised explosive device) killing of civilians in Masbate... they should identify all those responsible and surrender them to the lawful authorities to face justice within the court system," wika ng CHR kanina.
"They should likewise be held accountable for all other crimes they have perpetrated in violation of international humanitarian and human rights laws since they began pursuing this armed conflict."
Dagdag pa nila, parehong dapat maghatid ng transparency at accountability hindi lang ang gobyerno kundi rin ang panig ng NPA. Matatamasa lang daw nang buo ang kalayaan at karapatang pantao kapag sumusunod ang State at non-State agents sa kanya-kanya nilang responsibilidad.
Kanina lang nang tumanggi ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPPAP) sa mga panawagang pagbabalik sa usapang pangkapayapaan ng estado at National Democratic Front of the Philippines. Iminumungkahi ito sa ngayon ng ilang grupo para maiwasan ang mga ganitong paglabag sa karapatang pantao.
Ang NDFP ang humaharap sa GRP para katawanin ang alyansa ng mga rebolusyonaryong pwersa ng mga kabataan, manggagawa, magsasaka, katutubo, guro, abogado, atbp. na kinikilala ang pamumuno ng CPP.