MANILA, Philippines — Hinamon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People's Army (NPA) na isuko sa batas ang mga komunistang gerilya na nasa likod ng pagkamatay ng kilalang football player at pinsan niyang labor leader.
Ika-8 ng Hunyo nang akuin ng CPP-NPA ang pagkamatay nina Keith at Nolven Absalon sa Lungsod ng Masbate, bagay na kanilang ipinagpapahingi ng tawad lalo na't malaking pagkakamali ito sa kanilang aksyong militar.
Related Stories
"Dapat po, isuko nila 'yan. Hindi po maaari na reprimand lamang. Kailangan managot sila sa batas ng ating bansa at hindi po sa kanilang sariling regulasyon," wika ni AFP spokesperson Edgard Arevalo, sa panayam ng PTV4.
Aniya, lumabag paglabag sa kasong murder, Anti-Terrorism Act of 2020 at Republic Act 9851 ang naganap. Tumutukoy ang huli sa pagpaparusa sa mga lumalabag sa international humanitarian law, lalo na kung totoong anti-personnel mine ang ginamit sa insidente, bagay na banned sa ilalim ng Ottawa treaty.
Maliban sa naganap na pagsabog, lumalabas sa imbestigasyon ng AFP na pinaputukan din ng baril ang FEU football player at ang kanyang mga kamag-anak habang nagbibisikleta.
Dati nang sinasabi ng CPP-NPA na hindi sila gumagamit ng landmines na sumasabog kapag nadikitan, kundi command-detonated explosives na pinapayagan sa nabanggit na tratado sa taas.
Isusuko ba sa batas o hindi? Kanino ang jurusdiction?
Hindi pa tumutugon si CPP chief information officer Marco Valbuena sa panayam ng Philstar.com kung isusuko nila sa gobyerno ng Pilipinas ang mga unit ng NPA na sangkot sa krimen.
Gayunpaman, sinabi ni Valbuena nitong Miyerkules na hindi gobyerno ng Pilipinas ang may otoridad sa lumabag na unit kung hindi ang NPA at People's Democratic Government na pinatatakbo ng rebolusyonaryong kilusan.
"In line with the NPA's rules, they can be meted out disciplinary action or punishment corresponding to their individual responsibilities and conduct during the incident," ani Valbuena kagabi.
"To determine the course of action, the Rules of the New People's Army, the Rules for Establishing the People's Democratic Government, together with the Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) and pertinent provisions of the Geneva Conventions are being used as guides to determining the proper resolutions."
We take cognizance of sentiments expressed by concerned quarters. The tragedy involves a breach of intl laws of war & NPA's internal rules. Providing full remuneration is a matter of justice & obligation. Lessons must be learned to avoid such mistakes and to strengthen NPA. pic.twitter.com/Yj8Ygyi4QF
— Marco L. Valbuena (@marco_cpp) June 9, 2021
Tanggap daw ng kanilang panig na labag sa international rules of war at internal rules ng NPA ang nangyari, lalo na't "binibigyan nila ng pinakamataas na prayoridad at proteksyon ang mga sibilyan sa lahat ng oras."
Hindi pa naman nila kinukumpirma kung landmines talaga ang nagamit sa operasyon.
Una nang sinabi ni Valbuena na handa rin silang magbigay ng danyos sa mga naulila nina Keith at Nolven. Gayunpaman, binanggit ni Arevalo kanina na hindi ito tatanggapin ng pamilya.
Peace negotiations vs mga paglabag
Handang makipagtulungan ang CPP sa National Democratic Front of the Philippines Section ng Joint Monitoring Committee (JMC) kung may maghahain ng reklamo.
Sa kabila niyan, hindi na raw ito gumagana sabi ni Arevalo dahil pinutol na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usaping pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDFP.
Patuloy na nananawagan ang ilang ligal na aktibista gaya ng Student Christian Movement of the Philippines at Kabataan party-list na magbalik sa peace negotiations ang NDFP at gobyerno para matiyak na hindi nangyayari ang ganitong mga paglabag.
"Sa ganitong kalagayan, at higit sa ngayon, buhat ng trahedyang sinapit ng pamilya Absalon, naniniwala ang kabataang Kristiyano na dapat ipagpatuloy ang usaping pangkapayapaan upang hindi na muling mangyari ang mga trahedyang ito at lutasin ang ugat ng kahirapan," ayon sa SCMP kanina.
"Naninindigan ang kabataang Kristiyano na ang digmaang sibil na ito sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NPA ay may katuldukan kung tutugunan ang ugat ng kahirapan at kung bukas sa kapayapaan ang pamahalaang Duterte."
Sa ganitong kalagayan, at higit sa ngayon, buhat ng trahedyang sinapit ng pamilya Absalon, naniniwala ang kabataang Kristiyano na dapat ipagpatuloy ang usaping pangkapayapaan upang hindi na muling mangyari ang mga trahedyang ito at lutasin ang ugat ng kahirapan.
— Student Christian Movement of the PH #SCMPat60 (@PilipinasScm) June 10, 2021