MANILA, Philippines — Dispensa ang hinihingi ngayon ng Communist Party of the Philippines at New People's Army (CPP-NPA) matapos masawi ang isang atleta't kanyang pinsan kaugnay ng ikinasang aksyong militar ng mga rebelde nitong Linggo.
Ika-5 ng nang masawi ang FEU football player na si Keith Absalon kasama ang pinsang si Nolven, matapos aniya masabugan habang nagbibisikleta sa Lungsod ng Masbate.
Related Stories
Ayon kay Marco Valbuena, information officer ng CPP, labis nilang pinagsisisihan ang hindi kinakailangang pagkamatay nina Keith at Nolven sampu ng iba pang mga nasaktan, bagay na nagmula raw sa mga "errors" sa opensibang isinagawa ng NPA unit sa baranggay Anas.
Handa rin naman daw magbigay ng nararapat na danyos perwisyos ang mga rebeldeng komunista sa mga mahal sa buhay ng mga nasawi.
"The entire CPP and NPA take full responsibility for the tragedy. There is no justification for the aggravation this has caused the Absalon family," ani Valbuena sa isang statement ngayong araw.
"We fervently hope that the Absalon family, their relatives and friends, and the entire Filipino people can accept our profoundest apologies, self-criticism and willingness to extend any appropriate form of indemnification."
Lagi't lagi naman daw pinaaalalahanan ng CPP ang kanilang armadong Bagong Hukbong Bayan na pahalagahan nang husto ang buhay ng mga sibilyan, kung kaya't hindi na raw dapat nangyari pa ang insidente sa Masbate.
Lunes lang nang ipag-utos ni Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar ang "manhunt" at "pursuit operations" laban sa mga miyembro ng NPA na nagsagawa ng nasabing pagsabog, para na rin mabigyan ng hustisiya ang mga nasawing sibilyan.
Nagsasagawa na rin ng sarili nilang imbestigasyon ang Commission on Human Rights sa naturang insidente, lalo na't "pinagsusupetyahang anti-personnel landmine" ang ginamit sa insidente, bagay na paglabag sa international humanitarian law kung mapatutunayan.
"We are aware that an investigation is already being carried out by the Party's Bicol Regional Committee and Masbate Provincial Committee of the Party and the higher commands of the NPA to identify the errors and weaknesses that led to this tragedy," patuloy ni Valbuena sa pahayag.
"The lessons that will be drawn should guide the NPA to avoid such unfortunate incidents in the future and strengthen its resolve to serve and defend the people."
'Krimen sa digmaan'
Idiniin naman kanina ni presidential spokesperson Harry Roque na krimen sa iba't ibang bansa ang paggamit ng mga landmines, lalo na't signatory mismo ang Pilipinas sa isang tratadong nagbabawal sa paggamit nito sa digmaan.
"That is a crime against humanity, it is a war crime. Ipinagbabawal po 'yan ng Ottawa convention, dahil ang landmines po ay nilalabag 'yung prinsipyo ng distinction sa international humanitarian law," sambit ni Roque, na isa ring abogado.
"[Ito po ay] dahil kahit sinong paa po ay pwedeng mag-trigger ng ng pagsabog niyan, hidni lang po ng paa ng mandirigma."
Aniya, mahalagang mahuli at malitis ang mga tauhan ng NPA na may kinalaman sa insidente. Tinawag din ito ng Palasyo bilang "worst crime" na pwedeng gawin ng NPA sa ngayon.
Una nang sinabi ng mga rebeldeng komunista na ipinagbabawal nila sa kanilang kasapian ang paggamit ng landmines na basta-basta sumasabog, at sa halip "command-detonated explosives" ang ginagamit, na hindi labag sa Ottawa Treaty.
Muling pagbubukas ng usaping-pangkapayapaan
Kaugnay ng malagim na insidente, nagpaabot din ng kanilang pakikiramay ang Kabataan party-list sa pamilya't mga kaibigan nina Keith at Nolven, habang sinusuportahan ang independiyenteng imbestigasyon para na rin mapanagot ang mga nasa likod ng pagsabog.
"[A]side from the reported steps taken by CPP to verify facts on their own volition, we also strongly urge the government to implement and adhere to the Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), and file a complaint before its Joint Monitoring Committee to demand accountability for the untimely, unfortunate demise of Keith and Nolven," wika ng grupo.
"Let us use the existing appropriate and independent mechanisms to obtain justice for the family and not leave any party as its own judge, jury, and executioner."
Dagdag pa ng grupo, naipapakita ng nasabing insidente ang kahalagahan ng panunumbalik ng dalawang panig sa peace negotiations para maresolba ang ugat ng armadong tunggalian gaya ng kahirapan, pang-aabuso at inhustisiya.