Nurses pumalag sa 5K deployment cap
MANILA, Philippines — Tinuligsa ng Filipino Nurses United (FNU) ang ipinatutupad na 5,000 cap sa deployment ng mga nurses sa ibang bansa kada taon makaraang maabot na ang bilang para ngayong 2021.
Sinabi ng FNU na hindi ito patas para sa ibang nurses na nais ng mas maayos na pagkakakitaan at nasa proseso na ng pag-aayos ng kanilang mga dokumento, visas at iba pang requirements.
Hindi umano dapat ipatupad ang cap dahil sa marami at sapat naman ang mga nurses sa Pilipinas. Hindi naman umano magnanais ang mga nurses na umalis ng bansa kung sapat lamang ang kanilang mga suweldo at benepisyo na natatanggap, ayon kay Jocelyn Andamo, FNU secretary-general.
Ayon pa sa FNU, higit sa 570,000 nurses ang pumasa sa Nurses Licensure Examination mula 2000-2019, base sa datos ng Professional Regulation Commission (PRC).
Sa naturang bilang, 200,000-250,000 ang umaalis ng bansa para magtrabaho.
Lumalabas na nasa 220,000 nurse ang walang trabaho o underemployed sa sariling bansa, ayon pa sa grupo.
Nitong Hunyo 1, inihayag ni Philippine Overseas and Employment Administration (POEA) Administrator Bernard Olalia na naabot na ang 5,000 cap na naipadala sa ibang bansa kaya pansamantalang hindi muna magpapadala ng nurses sa labas ng bansa.
- Latest