Seremonya para sa COVID-19 vaccination ng essential workers umarangkada sa Pasay
MANILA, Philippines — Umarangkada na ang symbolic vaccination ng 50 essential workers mula sa A4 priority mula sa 'NCR Plus 8' laban sa coronavirus disease (COVID-19) ngayong araw.
Tinatayang nasa 35 milyong katao ang kabilang sa A4 ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, na primaryang binubuo ng mga nagtratrabaho sa labas ng bahay para magbigay serbisyo't mapaandar ang ekonomiya. Gayunpaman, 22 milyon lang daw 'yan sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Isinagawa ang bakunahan sa SM Mall of Asia sa Lungsod ng Pasay, Lunes, bagay na iginugulong na ngayon para mapabilis ang pagsigla ng ekonomiya matapos ang malawakang lockdowns bunsod ng nakamamatay na virus.
"This morning, we stand witness to the fulfilment of our desire to ensure the protection and safety of our economic frontliners in work places," ani Labor Secretary Sylvestre Bello III sa commitment ceremony kanina.
"By guaranteeing their health and safety, our economy will quickly recover from the devastation brought about by the Covid pandemic."
Ayon kay Vergeire, nasa 12 milyong indibidwal ang estimated na A4 workers sa NCR Plus 8.
Magkakaroon ng dalawang phase ang bakunahan ng A4 workers: Una sa NCR Plus 8, ikalawa sa labas ng nasabing kalugaran.
Phase 1 (A4 vaccination in NCR+8)
— ONE News PH (@onenewsph) June 7, 2021
A4.1: Private workers who work outside their homes
A4.2: Gov't employees, including those in GOCCs and LGUs
A4.3: Informal sector workers and self-employed who work outside their homes and those in private households pic.twitter.com/VNVYJCZxNP
Matatandaang nasa 4.5 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho noong 2020 dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic, na siyang pinakamataas sa loob ng 15 taon, ayon sa Philippine Statistics Authority. Kasabay rin 'yan ng pagbansot ng gross domestic product ng Pilipinas sa 9.5% noong parehong taon.
Una nang nabakunahan ang mga healthcare workers, senior citizens at mga taong may comorbidities (sakit na makakapagpalala sa COVID-19) lalo na't labis silang bulnerable ngayong panahon ng pandemya.
Present din sa nasabing pagtitipon ang mga local chief executives ng National Capital Region, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Pampanga, Metro Cebu at Metro Davao na pare-parehong parte ng NCR Plus 8.
"Maituturing na game changer po ang nangyaring bakunahan ng priority group na ito. Hudyat ito ng muling pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas," patuloy naman ni Roque sa isang briefing.
Kasama rin sa mga nabakunahan ngayong umaga ang pitong miyembro ng Malacañang Press Corps, lalo na't kabilang din sa A4 sector ang mga kawani ng mass midya.
Umabot na sa 5,695,651 doses ng bakuna ang naituturok ngayon sa Pilipinas, habang 1,544,332 katao naman ang nabibigyan na ng kumpletong COVID-19 vaccines sa Pilipinas, as of June 6, 2021.
Sa huling taya ng Department of Health nitong Linggo, umabot na sa 1,269,478 ang tinatamaan ng COVID-19. Nasa 21,898 na sa kanila ang pumanaw. — James Relativo
- Latest