MANILA, Philippines — Uumpisahan na ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga tinatawag na ‘economic frontliners’ o essential workers na kabilang sa A4 priority group ngayong Lunes makaraan ang pagdating ng isang milyong bagong suplay ng Sinovac vaccines.
Sabay-sabay na babakunahan sa isang ‘ceremonial inoculation’ sa SM Mall of Asia sa Pasay City ang mga kabilang sa A1, A2, A3 at kasama na rin ang A4.
Pangungunahan ni Department of Health Secretary Francisco Duque III, Presidential Spokesman Harry Roque, at treatment czar Vince Dizon ang okasyon.
Tinukoy ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nasa 35.5 milyon ang target na mabakunahan sa ilalim ng A4 priority group makaraang simplehan kung sinu-sino ang kabilang dito.
Unang pinuri ng Taskforce T3, isang private sector coalition, ang pagsama na sa mga ‘economic frontliners’ sa mababakunahan upang ligtas nang mabuksan ang ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATFEID) Resolution No. 117, ang mga eligible sa A4 group ay iyong mga manggagawa na pisikal na nagtutungo sa lugar ng trabaho sa labas ng bahay, mga empleyado sa mga ahensya ng pamahalaan at mga informal workers at self-employed na kailangang lumabas ng mga bahay.