Bong Go sa LGUs: Bakuna ibahay-bahay na, lalo sa senior citizens

MANILA, Philippines — Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa local government units at sa mga namamahala ng vaccine rollout na direkta nang dalhin ang bakuna sa mga bahay-bahay o sa kanilang constituents na kabilang sa priority groups, partikular sa senior citizens.

Ayon kay Go, dapat paigtingin pa ang pagbabakuna ng LGUs dahil hindi dapat magtagal ang stocks sa kanila. Marami anyang naghihintay na mabakunahan lalo na ang mga nasa priority groups partikular ang senior citizens.

Sinabi ni Go na napakahalaga ng oras kaya dapat na gawin ang mga hakbang para matiyak na ang mga nasa A1-A3 categories ay agad nang mabakunahan upang maisunod na rin ang iba pang nasa priority sectors at nang marating na ang herd immunity sa mga komunidad.

“Dagdagan po natin ang ating vaccination sites para kahit saang sulok ng komunidad ay makaabot ang bakuna. Kung kailangang puntahan mismo sa mga bahay ang mga matatanda at mga may comorbidities ay gawin na dapat agad,” iginiit ng senador.

Hinikayat din naman ni Go ang senior citizens at iba pang priority groups na magpabakuna para mapabilis ang pagpapalawak ng national COVID-19 vaccination program.

Show comments