MANILA, Philippines — Hindi isinasara ni Senator Christopher “Bong” Go ang posibleng pagtakbong pangulo ng bansa sa 2022 national elections, katambal si Pangulong Duterte bilang bise-presidente.
Subalit ito ay kung wala na umano talagang mapagpipiliang maisasabak ang kanyang mga kapartido.
“Kung talagang walang-wala na po tapos wala namang pares si Pangulong Duterte… kung mayroon naman siyang pares na makakapagpatuloy ng pagbabago at ang continuity ng ating gobyerno ay sila na ang unahin,” ayon pa kay Go.
Idinagdag pa ng Senador na kung mayroon namang mahanap na pares para kay Pres. Digong ay unahin ito at ihuli na lang siya sa listahan dahil hindi naman siya interesado para sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Sa kabila nito, sinabi ni Go na mangyayari lamang ito kung magkakainteres pa si Pangulong Duterte na tumakbo sa pagkapangalawang pangulo ng bansa sa May 2022 elections.
Ginawa ni Go ang pahayag, kasunod ng ulat na may mga lider ng PDP-Laban na partido nila ni PDuterte na nagtutulak na isabak ang Chief Executive sa pangalawang pagkapa-ngulo sa darating na halalan.
Sinabi rin ng mam-babatas na dati na niyang nasagot na hindi siya interesado sa posisyong pagkapangulo dahil alam niyang napakahirap ng trabahong ito.
Ngunit kung trabaho umano ang pag-uusapan ay alam na alam niya kung paano magtrabaho si Pangulong Duterte.