MANILA, Philippines — Ang takot sa posibleng matinding ‘side effects’ ang nangungunang dahilan ng mga Pilipino kung bakit malaki ang alinlangan na magpabakuna laban sa COVID-19, ayon sa resulta ng survey ng Department of Health (DOH).
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nasa 43,000 indibidwal mula sa A1 to A3 priority groups ang isinailalim nila sa online survey.
Ikalawang dahilan ay ang mga negatibong impormasyon na kumakalat sa iba’t ibang social media platforms laban sa bakuna at ikatlo ay ang pagdududa sa pagiging epektibo ng mga bakuna.
Ngunit ipinaliwanag ni Vergeire na mas mababa pa sa 1% sa mga nabakunahan ang nag-ulat na nakaranas sila ng seryosong side effects habang nasa 1.10% ang nakaranas ng minor side effects.
Sinabi niya na mas pinalalakas nila ngayon ang ‘vaccine education’ para mas maunawaan ng publiko ang kalidad ng mga bakuna na ibinibigay ng pamahalaan.