PDP-Laban nat'l council 'kukumbinsihing' tumakbong VP si Duterte sa 2022

Litrato ni Pangulong Rodrigo Duterte (kaliwa) at kuha ng ilang tagpo sa National Council Assembly ng PDP-Laban (kanan) sa Cebu, ika-31 ng Mayo, 2021
Presidential Photos/Robertson Ninal; Video grab mula sa RTVM

MANILA, Philippines (Updated 6:29 p.m.) — Napagkaisahan ng pamunuan ng partidong PDP-Laban na kumbinsihin si Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo para sa posisyon ng ikalawang pangulo sa taong 2022.

Ito ang napagkaisahan ng mga kapartido ni Digong sa kanilang National Council Assembly ngayong Lunes sa Cebu. Nilagdaan na rin nila ang resolusyon para isapormal ito.

Kalakip ng nasabing resolusyon ang paghikayat kay Duterte na mamili na ng kanyang magiging "running mate" sa pagkapresidente sa 2022 national elections.

 

"The text of this resolution read as follows: 'Resolution to convince the party chairman, President Rodrigo Roa Duterte, to run as vice president in the 2022 national elections and for President Rodrigo Duterte to choose his running mate for president,'" ani PDP-Laban VP for external affairs Raul Lambino kanina.

"These are resolutions that the council has received from different regions, different chapters of the party, and from the different local government units. Elected officials of these LGUs who are not members of PDP-Laban but have come up with up a resolution strongly urging the president mto seriously consider running for vice president."

Kaugnay niyan, nagmosyon si Lambino na i-adopt ng national council ang nasabing resolusyon, bagay na agad iprubahan agad ng konseho — mas mabilis pa sa alas-kwatro.

Sa sobrang iksi ng botohan, nakuha pa ni Lambino na magbiro kanina: "I second the motion agad [kayo]? Ang bilis naman," aniya.

"Any objections? No objections? Motion is approved," tugon naman ni Energy Secretary Alfonso Cusi, na siya ring vice president ng partido.
 

Pagkakawatak-watak ng PDP-Laban?

Sa kabila ng lahat ng ito, hindi dinaluhan ni Digong ang nasabing pagtitipon sa gitna na rin ng hindi pagkakasundo ng ilang paksyon at miyembro ng PDP-Laban.

Kapansin-pansin ding hindi dumalo sa nasabing meeting si Sen. Manny Pacquiao kahit na siya ang acting president ng partido.

Una nang nanawagan si Pacquiao na 'wag daluhan ng kanilang kasapian ang naturang assembly, kahit na si Duterte pala ang nag-utos na pangunahan ni Cusi ang pulong, ani presidential spokesperson Harry Roque nitong Linggo.

"Alam niyo, chairman po ng partido ang presidente. Pero hindi naman po pupwedeng diktahan ni presidente kung ano ang gagawin ang partido," patuloy ni Roque.

"Kaya nga po nagpupulong nang ganyan para malaman kung anong direksyon ang tatahakin ng partido at importante rin na iparating sa mga miyembro ng partido kung ano nang nagawa ng kanilang chairman sa nakalipas na limang taon."

Sa ilalim ng Article VII, Section 4 ng 1987 Constitution, hindi pinahihintulutang tumakbo ang pangulo sa parehong pwesto kung lagpas apat na taon siyang nanungkulan.

Show comments