MANILA, Philippines — Pinakakalma ng Department of Health (DOH) ang publiko pagdating sa panibagong coronavirus disease (COVID-19) variant na unang natuklasan mula sa bansang Vietnam.
Sinasabing mas mabilis pa naman kumalat ang naturang COVID-19 variant kumpara sa karaniwang uri ng virus dahil sa "kombinasyon" ito ng Indian at United Kingdom variants.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Lunes, kulang-kulang pa ang mga datos sa ngayon pagdating sa bagong tipo ng virus. Gayunpaman, wala naman daw dapat ikatakot kung susunod sa health protocols ang lahat.
"Whatever variants that there may be dito sa ating bansa, kung tayo po ay strictly nagpapatupad ng health protocols natin at tayo po ay nagpabakuna, tayo po ay protektado," ani Vergeire sa isang media forum kanina.
"Alalahanin po natin 'yan, hindi po natin kailangang magpanic dahil po dito sa balitang ito. Paigtingin lang po natin ang pagpapatupad ng ating health protocols and we will be protected from all of these variants."
Sa tuwing may nadidiskubreng bagong variant at mutation ng COVID-19 sa sari-saring bansa sa GISAID na pinamamahalaan ng World Health Organization, na siyang nagklaklasipika ng mga variants of concern.
Kasalukuyang nakapasok na ng Pilipinas ang mga mas nakahahawang B.1.1.7, B.1.351, P.1 at B.1.617 variants, bagay na unang nadiskubre mula sa United Kingdom, South African, Brazilian at India.
"Nagbigay din ng pahayag ang WHO over the weekend at ang sabi nila they have not recieved the full details of this apparent variant na tinatawag sa Vietnam," dagdag pa ni Vergeire.
"At aantayin daw po nila na makapag-verify sila, makapag-aral nang mabuti para makapagbigay ng guidance para sa mga member countries ng WHO."
Magta-travel ban ba vs Vietnam?
Hindi sinasagot ng Kagawaran ng Kalusugan kung may planong magpatupad ng travel restrictions sa bansang Vietnam kasunod ng bagong balita sa bagong variant doon.
Sa kabila niyan, may posibilidad na lalo pang palawigin ang travel restrictions sa India hanggang sa susunod na buwan.
"[Wala pa pong] memorandum na galing po sa Tanggapan ng Presidente tungkol sa continuation ng travel ban," ani presidential spokesperson Harry Roque kanina.
"Bagama't meron pong rekomendasyon ang [Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases] 'yung existing travel bans until June 15. Pero uulitin ko po, wala pang desisyon ang ating presidente rito."
Sa huling tala ng DOH nitong Linggo, umabot na sa 1,223,627 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, patay na ang 20,860 katao. — may mga ulat mula kay The STAR/Alexis Romero