MANILA, Philippines — Umapela si AP Partylist Rep. Ronnie Ong sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na maglabas ng mga panuntunan na hindi na kasama sa mga hihigpitan sa ipinatutupad na health protocols ang mga nakapagpabakuna na kabilang na ang mga senior citizens.
Ayon kay Ong, maging ang mga business establishments tulad ng restaurants, malls, hotels, resorts at iba pang nasa tourism ay dapat na ring magluwag dahil protektado na ang mga ito mula sa coronavirus.
Giit ni Ong, isa rin itong paraan upang mas mahikayat ang mga Filipino na magpabakuna.
Sa pagtaaas ng bilang ng mga nababakunahan, sinabi ni Ong na dapat na maglabas ng updated guidelines ang IATF hinggil sa implementasyon ng social distancing at iba ang health protocols, kabilang na ang capacity requirement sa malls, restaurants, hotels, resorts at iba pang establishments.
Inihalimbawa nito ang pagpayag sa dine-in at 100% capacity ng restaurants para sa mga bakunadong customers. Maaari aniyang magtalaga ng lugar para sa mga ito. Gayunman, sinabi ni Ong na hindi mawawala ang paggamit ng face masks.
Maging ang mga senior citizens na matagal na nakulong sa kanilang mga bahay ay dapat na ring payagang makalabas, makapamasyal at makakain sa mga restaurants.
Naniniwala ang solon na kung bakunado na ang isang tao, senior man o hindi, karapatan pa rin niyang ma-enjoy ang kanyang buhay.