MANILA, Philippines — Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa taumbayan na kung ayaw nilang muling umiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa susunod na buwan (Hunyo) sa kanilang mga lugar ay maging disiplinado at sumunod sa ipinatutupad na health protocols ng gobyerno.
Sinabi ni Go na tiwala siyang ang bagong quarantine measures sa buong bansa na ipaiiral sa susunod na buwan ay nakabase sa ‘good science’ kaya ipinaalala niya sa publiko na huwag magkumpiyansa at sa halip ay manatiling nakabantay upang hindi mahawahan ng virus.
“Sumunod tayo sa paalala ng gobyerno. Mask all the time, social distancing, face shield, hugas ng kamay at kung ‘di naman po kailangan, ‘wag muna umalis ng pamamahay habang nandiyan pa ang COVID-19 dahil delikado pa ang panahon,” ani Go.
Siniguro ni Go na ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases at mga eksperto ay masusing nirerebyu ang paglalabas ng restrictions para mabalanse ang pangkalusugan at pangkabuhayan ng mga Filipino na labis na naaapektuhan ng mga ipinatutupad na patakaran.
Sinabi ni Go na bilang Health committee chair ay uunahin niya ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino dahil ang buhay aniya ay hindi na maibabalik.
“Itong GCQ, ECQ, MECQ, pabalik-balik na lang ‘yan...Pero ‘pag merong namamatay ay hindi nababalik kaya unahin natin ang buhay ng bawat Pilipino,” idinagdag ng mambabatas.