MANILA, Philippines — Tuluyan nang sumuko sa mga otoridad ang isa sa mga pinaghihinalaang nasa likod ng bentahan at pagpapa-reserve diumano ng slot para sa bakunahan laban sa COVID-19 vaccine.
Kinilala ang suspek bilang si Kyle Bonifacio, isang anak ng barangay kagawad, na iprinesenta nina MMDA chair Benhur Abalos at kanyang misis na si Mandaluyong Mayor Menchie Abalos.
Related Stories
"Confident po ako na wala po akong kasalanan dito at lumutang po talaga ako sa publiko para matapos na itong issue na ito," ani Bonifacio, Miyerkules.
"Gusto ko lang sabihin na hindi ako talaga nagbenta at yung resibo po na yun ay kusang bigay po sakin nung taong yun," dagdag pa niya, habang tumatangging magbigay ng karagdagang detalye sa mga otoridad.
The suspect behind the "vaccine slot for sale" scheme, Kyle Bonifacio, voluntarily surrendered to the Mandaluyong City government on Wednesday. MMDA chairman Benhur Abalos said the suspect will be turned over to the city police and NBI for investigation. pic.twitter.com/1UNRhHyKM6
— The Philippine Star (@PhilippineStar) May 26, 2021
Una nang naibalitang nagkakaroon ng bentahan ng slots pagdating sa pagpapaturok ng COVID-19 vaccines sa mga Lungsod ng Mandaluyong at San Juan, bagay na nagkakahalaga diumano hanggang P15,000.
Lumutang ang nasabing lalaki matapos kumbinsihin ng kanyang mga magulang, na pawang walang kinalaman daw sa naturang paratang.
"Appropriate charges, kung kinakailangan, will be filed against him. And... we will see to it that it's fair," dagdag ni MMDA chair Abalos, habang inililinaw na dadalhin si Bonifacio sa city police at National Bureau of Investigation.
Posibleng humarap sa kasong estafa, bribery o paglabag sa Bayanihan Act si Bonifacio kung mapatutunayang nagkasala, dagdag ni Abalos.
May sinusundang prioritization ang gobyerno pagdating sa pagbibigay ng COVID-19 vaccines. Kasalukuyang nasa A3 priority pa lang ang tinuturukan, maliban sa iilang "symbolic" A4 priority vaccination kamakailan.
Dahil aprubado pa lang ang COVID-19 vaccines sa ilalim ng emergency use authorization (EUA), iligal na ibenta ang mga nasabing bakuna basta-basta sa publiko.
Sa huling ulat ng Department of Health ngayong araw, umabot na sa 1.19 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, patay na ang 20,169. — James Relativo at may mga ulat mula kina Gaea Katreena Cabico, The STAR/Neil Jayson Servallos at News5