MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 5,310 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19), Miyerkules, kung kaya nasa 1,193,976 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 1,193,976
- Nagpapagaling pa: 46,037, o 3.9% ng total infections
- Kagagaling lang: 7,408, dahilan para maging 1,127,770 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 150, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 20,169
Anong bago ngayong araw?
-
Lumagpas na sa milyon ang natuturukan ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas, matapos iulat ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na umabot na ito sa 1,029,061 simula nang umarangkada ang lokal na turukan noong Marso 2021.
-
Sa kabila niyan, halos kalahating milyong doses (497,000) ng AstraZeneca COVID-19 vaccines ang nanganganib mag-expire sa ika-30 ng Hunyo kung hindi maituturok agad sa mga target na benepisyaryo. Halos isang buwan na lang ang nalalabi bago 'yan. Gayunpaman, kumpiyansa sina Cabotaje na maibibigay nila itong lahat bago ito mapanis.
-
Samantala, ibinahagi rin ng DOH na local government units ang magdedeesisyon kung sinu-sino sa "A4" priority list — na binubuo kalakhan ng frontline workers — ang mababakunahan laban sa COVID-19. Dagdag ni Cabotaje, maaaring hindi raw kasi sasapat agad ang suplay ng bakuna para sa 13 milyong katao na nasa ikaapat na priority group.
-
Sa bagong ulat ng World Health Organization (WHO) ngayong araw, umabot na sa 53 bansa sa ngayon ang nakakakitaan ng mas nakahahawang B.1.617 variant ng COVID-19. Ang nasabing variant ang itinuturo ng ilang ilang eksperto sa nakalululang bilang ng hawaan ng COVID-19 sa India, ang bansa kung saan ito unang nadiskubre.
-
Umabot na sa 167.1 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng WHO. Sa bilang na 'yan, patay na ang mahigit-kumulang 3.5 milyong katao.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio