Patay sa COVID-19 pumanik lagpas 20,000 sa Pilipinas
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 3,972 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19), Martes, kung kaya nasa 1,188,672 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 1,188,672
- Nagpapagaling pa: 48,201, o 4.1% ng total infections
- Kagagaling lang: 4,659, dahilan para maging 1,120,452 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 36, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 20,019
Anong bago ngayong araw?
-
Sumampa na sa 20,019 ang patay sa COVID-19 ngayong araw, ayon sa DOH. Mas marami ang patay na 'yan kumpara sa kabuuang seating capacity ng Smart Araneta Coliseum na hanggang 20,000 lang.
-
Sisimulan nang turukan ng bakuna sa Biyernes laban sa COVID-19 ang mga atletang Pilipinong sasabak sa Tokyo Olympics sa Hulyo at Hanoi Southeast Asian Games sa Nobyembre.
-
Inaasahang ipadadaan uli sa online streaming (Facebook at Zoom) ang mga graduation ngayong taon bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19, pagkukumpirma ni Education Secretary Leonor Briones kanina. Una nang ginawa ito noong taong 2020.
-
Iminumungkahi naman ngayon ng Department of Tourism na mapaiksi pa ang quarantine period ng mga overseas Filipino workers at balikbayan na nagbabalak umuwi ng Pilipinas basta't kumpleto ang bakuna laban sa COVID-19. Ayon kay Tourism Secertary Bernadette Romulo-Puyat, pitong araw lang daw kasi ito sa Taiwan. Mahihikayat din daw nito ang mas maraming umuwi ng Pilipinas.
-
Tatlong COVID-19 vaccine developers pa ang nagsumite ng kanilang aplikasyon para magsagawa ng kani-kanilang clinical trials sa Pilipinas, ulat ng Department of Science and Technology kanina. Ilan dito ang West China Hospital and Sichuan University, China-based Shenzhen Kangtai Biological Products Co. at South Korean-based Eubiologics Co. Ltd.
-
Dahil sa "baba" ng vaccine acceptance, iginigiit ni Sen. Sherwin Gatchalian na dapat mapayagan na ang general public na magpabakuna laban sa COVID-19 sa NCR Plus pagsapit ng Hunyo. Aniya, sapat naman ang bakuna sa bansa para magawa ito.
-
Umabot na sa halos 166.9 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang mahigit 3.5 milyong katao.
— James Relativo
- Latest