MANILA, Philippines — Nagbabala ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga nasa likod ng iligal na "bentahan ng slots" para sa COVID-19 vaccination, bagay na mauuwi raw sa paghimas ng rehas kung nagkataon.
Una nang naibalita ang diumano'y "pagpapa-reserve" ng COVID-19 vaccines at slots sa pagpapaturok sa Mandaluyong at San Juan, na pawang nagkakahalaga raw ng P10,000 hanggang P15,000.
Related Stories
"Sa mga manloloko, they are scammers, they are promising something not true, they are liable in the law," ani Abalos sa panayam ng CNN Philippines, Lunes.
"If this is true and there are persons involved, we will make sure that the full weight of the law will be applied to them. Ipapakulong talaga namin ito."
Nakatakdang magpulong ang mga alkalde ng Metro Manila ngayong araw kasama ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) pagdating sa nasabing reservations. Dagdag pa niya, may "good development" na pagdating sa pagtukoy ng mga suspek.
May sinusundang prioritization ang gobyerno pagdating sa pagbibigay ng COVID-19 vaccines. Kasalukuyang nasa A3 priority pa lang ang tinuturukan, maliban sa iilang "symbolic" A4 priority vaccination kamakailan.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nangyayari na ang mga imbestigasyon sa pamamagitan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at PNP.
Nakikipagkoordina na rin daw ang DILG sa mga local government units para makapaglunsad sila ng kani-kanilang imbestigasyon.
"One of the local governments even had to ask help from the National Bureau of Investigation para mapabilis natin ang pag-iimbestiga ng mga kasong ito," ani Vergeire kanina.
"So magbibigay po tayo ng information as soon as DILG can provide us with the information on the results of the investigation."
Pinatutugis na ngayon ni PNP chief Police Gen. Guillermo Eleazar sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang mga nasa likod ng naturang kriminal na aktibidad, na siyang may basbas na raw mula kay Interior Secretary Eduardo Año.
Kasalukuyan namang ipinaiiwas ngayon ng Taguig LGU ang kanilang mga residente sa pagtangkilik sa ganitong modus, lalo na't libre lang dapat ang pagpaparehistro para sa nasabing gamot.