MANILA, Philippines — Makatatanggap na ng kompensasyon buhat sa Employees’ Compensation Program (ECP) ang mga empleyado na masasawi o mababaldado habang nagtatrabaho sa kanilang mga bahay.
Ito ay makaraang aprubahan ang ECC Board Resolution nitong Marso 11 na lumilikha ng polisiya para sa kompensasyon sakaling masawi o magkaroon ng ‘disability’ ang mga pampubliko o pribadong empleyado habang ginagampanan ang trabaho sa loob ng kanilang mga bahay.
Naniniwala si ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis na panahon na para magbigay ng naturang kompensasyon bilang pagkilala sa pagtitiyaga ng mga manggagawa na maituloy ang kanilang mga trabaho kahit mahirap ang ‘set-up’ sa kanilang mga tahanan.
Sa ilalim ng EC Program, makatatanggap ang mga kuwalipikadong empleyado ng ‘loss of income benefits, medical benefits at funeral benefits’. Mayroon ding ibinibigay na ‘rehabilitation services’ sa mga magkakaroon ng ‘disability’.
Upang maging kuwalipikado dito, kailangan na may ‘written directive’ ang employer sa kanilang manggagawa sa pagpapatupad ng ‘work-from-home arrangement’.