MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 6,986 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19), Miyerkules, kung kaya nasa 1,159,071 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 1,159,071
- Nagpapagaling pa: 49,951, o 4.3% ng total infections
- Kagagaling lang: 6,986, dahilan para maging 1,089,613 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 136, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 19,507
Anong bago ngayong araw?
-
Ngayong araw ang pinakakaonting bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas na nagpapagaling pa (49,951) sa loob ng 66 araw. Huling beses na mas mababa ang datos diyan noong ika-14 ng Marso — lagpas dalawang buwan na ang nakalilipas.
-
Dahil sa pagdagsa ng maraming tao sa ilang vaccination center sa pagdating ng Pfizer COVID-19 vaccines, tinitignan ngayon ng DOH na huwag ianunsyo sa publiko ang ibibigay na brand ng bakuna, ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje kanina.
-
Tutol naman si Sen. Risa Hontiveros sa mungkahi ni presidential spokesperson Harry Roque na gawing rekisitos para sa 4Ps beneficiaries ang COVID-19 vaccination, bagay na libre raw dapat ibinibigay nang walang kondisyon. "Hindi dapat binubully ang publiko para magpabakuna. Kaunting galang at respeto naman sa mga mahihirap. Walang kundisyon sa 4Ps law na kailangan vaccinated ang recipients," wika niya.
-
Kinumpirma naman ni Philippine Olympic Committee president Abraham Tolentino na obligado nang magpabakuna laban sa COVID-19 ng mga atletang Pinoy kung nais nilang makasali sa 31st Southeast Asian Games sa Nobyembre, matapos iobliga ng host country na Vietnam ang "no vaccine, no participation" policy.
-
Umaaray na ang maraming ospital sa ngayon ayon sa Philippine Hospital Association ngayong hindi pa rin daw nababayaran ng PhilHealth ang "malaking" halaga ng COVID-19 claims sa pribado at pampublikong ospital mula Marso 2020. Sa ilang ospital pa nga lang, umaabot na raw sa P700 milyon-P1.2 bilyon ang non-remittance.
-
Inanunsyo naman ni Philippine National Police chief Police Gen. Guillermo Eleazar na ihanda bilang gawing "vaccination hub" ang ilang kampo ng pulis sa mga probinsya para na rin makatulong sa COVID-19 immunization program ng Pilipinas.
-
Inireklamo naman ng "reckless imprudence resulting in homicide" ng dalawang anak ng political prisoner at aktibistang si Joseph Canlas ang ilang PNP at jail officers matapos diumano "balewalain" ang ama nila sa kulungan, hanggang sa mamatay na lang sa COVID-19.
-
Umabot na sa 163.31 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang mahigit 3.4 milyong katao.
— James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio at News5