^

Bansa

DOH plano 'wag ipaalam brand ng bakunang ituturok vs COVID-19 kontra-siksikan

James Relativo - Philstar.com
DOH plano 'wag ipaalam brand ng bakunang ituturok vs COVID-19 kontra-siksikan
A health worker shows syringes filled with Pfizer vaccine as they administer the first dose to those belonging to A1 (medical frontliners), A2 (senior citizens) and A3 (persons with comorbidity) categories during their continuation of vaccination program for San Juaneños at FilOil Flying V Centre (San Juan Arena) on May 12, 2021.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Mula sa dating problema ng alinlangan sa pagpapabakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19), panibagong sakit ng ulo naman ng hinaharap ng Department of Health (DOH) sa ngayon — sa pagkakataong ito, ang pag-iwas sa ilang vaccine brands at pagpabor sa iba.

Lunes lang nang dagsain ng mga residente ang isang mall sa Parañaque City sa pag-asang matuturukan ng bakuna ng Pfizer-BioNTech. Libu-libo rin ang pumila sa isang hotel sa Maynila nitong Martes kahit na 900 Pfizer vaccines lang ang nakalaan sa kabisera ng bansa.

"Maybe one of the strategies that can be made is hindi na ia-announce kung anong bakuna ang ibibigay. Kung gusto niyong magpabakuna, pumunta kayo sa ganitong facility o kaya vaccination sites, tapos kung ano ang bakunang available, 'yun ang kunin nila," ani Health Undersecretary Myrna Cabotaje, Miyerkules sa Laging Handa briefing.

"Kasi nga dinagsa 'yung Pfizer. Noong nag-announce na may Pfizer, everybody wanted to queue sa Pfizer. And our general principle, kung anong bakuna ang available, dapat kunin mo na."

Sa video na ito ng News5 kanina, makikitang kakaunti ang nagpapabakuna ng CoronaVac mula sa kumpanyang Sinovac sa Maynila — malayo sa siksikang eksena sa Pfizer vaccination sites nitong mga nakaraang araw. Bukod pa rito, nagtuturok na rin ng bakuna mula sa kumpanyang AstraZeneca.

Dagdag pa ni Cabotaje, na chairperson din ng National Vaccination Operations Center, hindi pwedeng basta-basta na lang pumunta sa bakunahan nang hindi nagpaparehistro. Pinakamainam pa rin daw na magpa-schedule at sumunod sa minimum public health standards para makaiwas sa hawaan ng COVID-19 sa mismong vaccination sites.

Martes lang nang sabihin ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na kailangang makapagturok ng 500,000 araw-araw para tuliuyang maabot ang "herd immunity" para sa Metro Manila, Metro Cebu, Metro Davao at anim na iba pang probinsya sa Regions III at IV pagsapit ng ika-27 ng Nobyembre.

'Huwag maging choosy'

Lunes lang nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang maging pihikan o mapili ang mga Pinoy pagdating sa COVID-19 vaccines, at kunin na lang agad kung ano ang nariyan dahil "pare-pareho namang epektibo."

"They are all potent. They are all effective. So wala... there's no reason for you really to be choosy about it. The only reason is ayaw kong magkaroon ng... magkaroon ng ano 'yong istorya na may pinapaboran kami na itong ito. Wala," ani Duterte.

Sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa inilalabas sa publiko ng Sinovac ang kumpletong kopya ng trial results nito, maliban sa preprint copy, ayon sa Coalition for People's Right to Health.

Sa huling ulat ng gobyerno ngayong araw, umabot na sa 3,299,470 doses ng COVID-19 vaccines ang naituturok sa Pilipinas. Nasa 2.5 milyon daw dito ang nabigyan na ng unang dose habang tanging 786,528 pa lang ang nakakakumpleto ng dalawa.

Umabot na sa 1.15 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas ayon sa DOH nitong Martes. Sa bilang na 'yan, patay na ang 19,372 katao. — may mga ulat mula sa News5

COVID-19 VACCINES

DEPARTMENT OF HEALTH

NOVEL CORONAVIRUS

PFIZER

RODRIGO DUTERTE

SINOVAC

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with