MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Pa-ngulong Rodrigo Duterte ang mga mamamayan na huwag mamili kung anong bakuna laban sa COVID-19 ang ituturok sa kanila.
Ayon sa Pangulo, lahat ng bakuna ay mabisa at ayaw niyang magkaroon ng istorya na may mga pinapaboran pagdating sa brand ng bakuna.
“They are all potent. They are all effective. So wala --- there’s no reason for you really to be choosy about it. The only reason is ayaw kong magkaroon ng --- magkaroon ng ano ‘yong istorya na may pinapaboran kami na itong ito. Wala,” ani Duterte.
Kahit sinong mahirap o mayaman ay maaari aniyang magtungo sa mga vaccination sites upang magpabakuna kung ano ang available.
Ayaw niyang may namimili ng tatak ng bakuna dahil pare-pareho naman ang lahat.
Hindi aniya magandang pakinggan na may mga namimili pa at maghihintay ng bakuna at mas gusto ang Moderna o Pfizer.
Sinabi rin ng Pangulo sa mga ayaw magpabakuna na huwag nang lumabas ng bahay dahil mayroon ng mga bagong variants ang COVID-19 at malaki ang tyansa na mamatay ang mga walang proteksiyon.